Paalala ng Palasyo: Walang sabong, karera ng kabayo, jai-alai sa Rizal Day
Pinaalalahanan ng tagapagsalita ng Malacañang ang mga mamamayan na ipinagbabawal ang sabong, karera ng kabayo at jai-alai sa Rizal Day, sa darating na ika-30 ng Disyembre.
"The [law] strictly forbids cockfighting, horse racing, and Jai Alai games on this day, with criminal punishment in the form of fines or imprisonment, or both, for any official, citizen, or public or private institution that violates this law," ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte sa isang pulong-balitaan sa Palasyo nitong Biyernes.
Ayon sa Republic Act 229: "The existing laws and regulations to the contrary notwithstanding, cockfighting, horse racing and jai-alai are hereby prohibited on the thirtieth day of December of each year, the date of the martyrdom of our great hero, Jose Rizal."
Maliban dito, nakasaad sa RA 229 na bubuo ang mga mayor ng komite na tututok sa "proper observance" ng Rizal Day sa bawat taon.
Nakasaad din sa batas, ayon kay Valte, na dapat ang lahat ng institusyon, pampubliko man o pribado, na ilagay sa half-mast ang Pambansang Watawat sa araw ng kamatayan ng pambansang bayani.
Mapaparusahan ng pagkabilanggo ng hindi lalampas sa anim na buwan o pagmultahin ng hindi lalampas sa P200 (o magkasabay na ipapataw ang dalawang parusa) sa sino mang mapatutunayang lumabag sa batas. May dagdag na isang buwang suspensyon sa trabaho kung ang lumabag ay isang alkalde.
Isinalang sa firing squad noon ika-30 ng Disyembre 1896 si Rizal.
Samantala, sinabi ni Valte na ilulunsad sa Lunes ng Presidential Communications Development and Strategic Planning Office ang "special page" sa Rizal Monument, sa ika-100 anibersaryo nito sa taong ito.
Ayon kay Valte, ang special page ay maglalaman ng "comprehensive essay, archival photo galleries, isang architectural retrospective, at contextual maps" na sumisentro sa Rizal Monument at sa Bagumbayan.
Gayon din, maglalathala ito, sa kauna-unahang pagkakataon, ng "full translation" ng bantog na panulat na pinamagatang “The Tagalog Hamlet” na inakda ni Miguel de Unamuno. Isa ito sa pinakauna at maimpluwensyang pagmumuni-muni sa buhay ni Rizal, na itinuring din ni Unamuno na “The Tagalog Christ.” — LBG, GMA News