ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pabor ka bang ipagbawal na ang paputok sa buong bansa?


Dahil marami pa rin ang nagiging biktima ng paputok, iminungkahi sa Kongreso ng isang opisyal ng Department of Health na dapat repasuhin na ng Kongreso ang batas tungkol sa pagkontrol sa bentahan, paggawa, at paggamit ng mga paputok at iba pang pyrotechnic devices.

“We realized the existing laws do not allow local governments, even the country to ban fireworks. This is for our legislators to consider. DOH will give them evidence whether... it is time to completely ban (firecrackers),” pahayag ni  Dr. Eric Tayag sa panayam ng GMA News TV's "News To Go" nitong Biyernes.

Ang tinutukoy na batas ni Tayag ay ang Republic Act 7183, na pinagtibay noon pang 1991.

Ayon sa opisyal, bagaman may ilang lugar na umiiral ang firecracker ban, nakakahanap naman ng paraan ang mga residente na patuloy na nakapagpaputok tuwing pagsalubong sa bagong taon.

“Sa Davao completely banned (ang firecrackers) pero meron pa ring injury nung pinulot nung isang 13-taong lalaki ang piccolo,” ayon kay Tayag.

“Human behavior kasi dictates na talagang dumidiskarte. Yung listahan na inilabas namin to guide consumers, yun ang ginamit ng mga nagbebenta sa mga ilalabas lang nilang produkto. Pero 'pag binulungan mo, ibibigay sa'yo yung ilegal na paputok na nakatago lang,” dagdag niya.

Puna pa ni Tayag, kahit legal na paputok ang ginagamit ng mga tao, hindi pa rin maiiwasan na may maging biktima dahil sa aksidente.

“There is another facet of using firecrackers, that is accidents. Granting na de-kalidad ang paputok, granting na ang gagamit ay hindi bata, accidents happen. There can be a misfire, you might be drinking so yung galaw mo mabagal na. Pwedeng kumakain ng malalagkit, dumikit sa kamay,” paliwanag niya.

Ayon kay Tayag, nababawasan na ang biktima ng paputok sa pagdaan ng mga taon dahil na rin sa kampanya ng pamahalaan.

“Over the years nakita namin na because of the campaign, because of the law, malaki ang ibinawas. Sa ngayon nagpa-plateau na siya, ang natitirang option is to completely ban them, yun ang extreme measure na tinatawag natin,” patuloy ni Tayag.

Noong 2011, may 972 katao ang nasugatan dahil sa paputok. Bahagyang umakyat ang bilang sa 987 noong 2012, at nabawasan sa 904 sa pagsalubong sa 2013.

Ngayong taon sa paglubong sa 2014, umabot na sa 140 katao ang naging biktima ng paputok.

Ayon sa opisyal ng DOH, maaari namang hindi ipatupad ang "total ban" sa paputok pero dapat ipaubaya sa mga propesyunal at eksperto ang pagpapaputok at pagsasagawa ng mga fireworks display.

Sa ngayon, ipagpapatuloy daw ng DOH ang paggamit ng mga tugtog sa kampanya laban sa paggamit ng paputok. Ngayong taon, ibinibida ni Tayag ang kantang "Roar" ni Katy Perry.

“Nakita namin na malakas yung recall. Last year, it was deliberate na Gangnam Style ang ginamit namin dahil nabalitaan namin na gagawin itong pangalan ng paputok," aniya.

"Kung maunahan kami dun ang maaalala ng tao ay paputok and it will trigger them to buy firecrackers. So inunahan na namin, pag narinig [ang] Gangnam Style, it will trigger them to do safer things rather than paputok,” patuloy ni Tayag.

Ngunit bukod sa tugtugan, sinabi ni Tayag na mayroon ding kampanya ang DOH na "takutin" ang publiko sa peligrong maaaring idulot ng pagpapaputok.

“Nakahanda kami sa scare tactics. Ilalatag yung surgical instruments, ipapakita namin yung images ng mga naputulan ng kamay at darili,” ayon sa opisyal. -- FRJimenez, GMA News

Tags: talakayan