Paalala ng BFP: Pagpapalipad ng sky lantern, bawal at delikado
Ipinaalala ng Bureau of Fire Protection nitong Sabado ang panganib na maaaring dulot ng pagpapalipad ng mga sky lantern kaya ipinagbabawal ito lalo na ngayon sa pagsalubong sa bagong taon.
Ayon kay BFP officer-in-charge Chief Superintendent Carlito Romero, maaaring pagmulan ng sunog ang sky lantern kaya ipinagbabawal ito sa ilalim ng Fire Code of the Philippines.
"Sa atin pong batas, ang Fire Code, ipinagbabawal ang pag-launch ng sky lantern. Ang dahilan po niyan, ito ay open burning," pahayag ni Romero sa panayam ng dzBB radio.
Nakasaad sa Section 10.5.4.3 ng Fire Code na ipinagbabawal ang open burning na pagmumulan ng " emission of toxic and poisonous fumes" at pagmumulan ng siga na "liable to spontaneous ignition."
Paliwanag ni Romero, wala nang kontrol ang magpapalipad ng sky lantern kapag lumipad na ito at bumagsak habang may sindi pa sa lugar na maaaring masunog agad.
"Walang kasiguraduhan kung saan babagsak ang lantern na may apoy," aniya.
Sa pagsubong sa taong 2013, ilang insidente ng sunog ang itinuturong nagmula sa bumagsak na sky lantern na nag-aapoy pa. (Video: Halos 30 pamilya sa QC, nasunugan dahil sa sky lanterns.) — FRJ, GMA News