ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
13 nagbabagang kontrobersya ng 2013, alamin!
By ROUCHELLE R. DINGLASAN, GMA News
Bukod sa mga kalamidad na bumayo sa bansa, niyanig din ng mga pinakamalalaking iskandalo ng 2013 ang buhay ng mga Pilipino—mula sa mga sex scandal ng mga sikat na personalidad hanggang sa isyu na kinasangkutan ng mga kongresista at senador.
13. MNLF, lumusob sa Zamboanga City

An aerial photo taken from a military helicopter shows the extent of destruction in Zamboanga City as fire rages at what is left of the coastal village of Rio Hondo on Tuesday, September 24. The military said retreating MNLF gunmen believed to be led by commander Habier Malik set fire on the houses to cover their escape. The Zamboanga siege is on its 16th day. AFP
Dahil sa kagustuhang mailagay umano ang bandila ng kanilang grupo, nilusob ng rebeldeng Moro National Liberation Front ang Zamboanga City sa pag-uutos umano ng MNLF founding chairman Nur Misuari.
Mahigit 200 katao ang namatay kasama na ang military, rebelde at sibilyan mula sa nasabing bakbakan na tumagal ng halos tatlong linggo.
Naglabas na ng warrant of arrest ang Zamboanga City Regional Trial Court laban kay Misuari, commander Ustadz Habier Malik at dalawa pang iba kaugnay ang pag-atake sa Zamboanga City. Kasalukuyan pa ring pinaghahanap ang mga ito.
12. Rubout sa Atimonan, Quezon
Hinarang at niratrat ng mga pulis at militar ang dalawang sasakyang bumabaybay sa highway sa Atimonan, Quezon nitong Enero. Kumitil ang mga ito ng buhay ng 13 katao kasama na ang ilang din kawani ng pulisya at isang environmentalist.
Nang simula, sinabi ng mga operatiba na legal ang naging operasyon ng pulis at militar subalit sa isang hukod na imbestigasyon ng NBI, napatunayang rubout ang dahilan ng pagpatay sa mga ito. Kaugnay umano sa awayan sa teritoryo sa jueteng kaya tinambangan ang mga biktima.
National Bureau of Investigation Director Nonnatus Rojas shows to media the seven-inch thick report on the Atimonan incident. President Aquino on Wednesday ordered Justice Sec. Leila de Lima to file criminal and administrative charges against the policemen and AFP personnel involved in the Atimonan rubout. Mark Merueñas
Matapos na mapatunayang rubout ang insidente, nagtago na ang mga sangkot. Hanggang ngayon ay pinaghahahanap ang ilan pang suspek sa insidente.
11. Charice, umaming lesbian
Matapos ang mga ispekulasyon, umamin ngayong taon ang internatonal star na si Charice Pempengco na siya ay isang lesbian. Kasabay ng kanyang pag-amin, inilahad din ni Charice na siya ay may kasintahan sa katauhan ni Alyssa Quijano.
Hindi naging madali para sa pamilya ni Charice ang kanyang mga naging rebelasyon na nagdulot sa 'di pagkakaunawaan ng international singing star at ng kanyang ina.
Umalis si Charice sa kanilang bahay at tumuloy sa tahanan ng kanyang kasintahan, samantalang ibinibenta naman ng kanyang ina ang biniling bahay ni Charice na dapat sana ay para sa kanilang pamilya.
Hindi pa rin nagkakaayos si Charice at kanyang ina.
10. Claudine vs. Raymart
Nakabinbin ngayon sa korte ang hiling ni Claudine Barretto ng isang Temporary Protection Order laban sa dati nitong asawang si Raymart Santiago dahil sa diumano’y pananakit nito sa kaniya.

Actress Claudine Barretto, accompanied by lawyer Ferdinand Topacio (right), leaves the Marikina City Regional Trial Court teary-eyed after filing a Temporary Protection Order against husband actor Raymart Santiago on Monday. The couple, locked in a marital dispute, have two children. Asti Flores
At bukod sa kinakaharap ni Claudine na problema sa dating asawa, nagkagulo rin ang pamilya ng aktres. Sa kasalukuyan ay matindi pa rin ang aliitan sa pagitan ng magkakapatid na si Claudine, Marjorie at Gretchen.
Nadawit din sa alitan ng tatlo ang kanilang ina, ama at iba pang kapatid. Tumestigo rin laban kay Claudine and kapatid na si Gretchen pabor kay Raymart. Pasabog ni Gretchen sa kanyang testimonya, umilalim umano sa rehabilitasyon sa droga ang kanyang nakababatang kapatid.
9. Chiz vs. pamilya ng nobyang si Heart Evangelista
Ipinakiusap ng magulang ng aktres na si Heart Evangelist na hiwalayan na nito ang kasintahang si Senador Chiz Escudero dahil hindi nila gusto ang ugali nito. Ito ang pinagmulan ng alitan ni Chiz at ng pamilya ng kanyang nobya.
Pinabulaanan naman ito ni Chiz at dinepensahan ang kanyang sarili at pamilya nito.
Ang gulo sa pagitan ng senador at ng kanyang pamilya ang naging dahiln upang umalis sa kanilang bahay ang aktres.
8. Pacman, hindi nagbabayad ng tax?
Matapos ang panalo ng Pambansang Kamao laban kay Brandon Rios sa Macau, naging isang palaisipan sa lahat kung bakit kinumpiska ng Bureau of Internal Revenue sa pangunguna ni Commissioner Kim Henares ang ilang ari-arian ng boxing superstar at Congressman Manny Pacquiao.
Ayon kay Henares, hindi nagbayad ng tamang buwis si Pacquiao noong 2008 hanggang 2009. Paliwanag nito, hindi nagbigay ng mga tamang dokumento ang boxing superstar sa buwis na binayad sa Estados Unidos kasabay sa mga laban niya roon.
Pinasinungalingan naman ito ni Pacquiao at ng kanyang promoter na si Bob Arum, na dati palang isang tax lawyer sa Amerika. Hanggang ngayon ay wala pa ring solusyon sa kaso ni Pacman.
7. Bangayang Roxas-Romualdez
Matapos ang paghagupit ng Bagyong Yolanda sa bansa, isang umuusok na bangayan naman ni Interior Secretary Mar Roxas at Tacloban City Mayor Alfred Romualdez ang umalingasngas ukol sa paghahatid ng tulong sa mga nasalanta.
Sa isang maikling video na ibinahagi sa YouTube, makikitang sinabi ni Roxas kay Romualdez: “You have to understand, we are talking very straight here, you are a Romualdez and the President is an Aquino.”
Ngunit depensa ni Roxas, maling konteksto ang nasabing video. Nasabi niya lamang daw iyon upang maiwasan ang kontrobersiya sa pagtulong ng gobyerno sa lokal na pamahalaan, lalo na at mula sa magka-ibang pamilya ang mga leader.
6. Sex scandal ni Chito Miranda at girlfriend na si Neri Naig
Hindi yata mawawala ang isang taon kung saan may isang sex scandal ng kilalang personalidad ang kakalat sa internet. Para sa taong ito, ang naging tampulan ng mga tao ay ang sex scandal ng bokalista ng bandang Parokya ni Edgar na si Chito Miranda at ang kanyang aktres na girlfriend na si Neri Naig.
Ayon kay Chito, nawala ang kanyang hard drive sa kanilang bahay at kung sino man umano ang nakakuha nito ang naglabas ng kanilang mga pribadong video sa internet.
Humingi ng saklolo si Chito sa NBI upang mahanap ang mga salarin at upang maialis na rin ang video sa internet.
Bago magtapos ang taon, may haka-hakang nagpakasal na ang magkasintahan matapos mag-post si Chito sa kanyang Instagram na may mensaheng “Merry Christmas from Mr. & Mrs. Miranda.”
5. Freddie Aguilar, may nobyang menor de edad
Nagulantang ang mundo ng showbiz matapos aminin ng batikang singer na si Freddie Aguilar na may girlfriend siyang 16-anyos na batang babae.
Paliwanag ni Ka Freddie, walang masama sa pakikipagrelasyon sa mas batang babae lalo na at mahal naman niya ito. Nakilala umano ng singer ang kanyang nobya sa Mindoro habang tumutulong sa pangangampanya ng isang pulitiko. Ang relasyon niya umano sa menor de edad ang kanyang unang seryosong relasyon matapos ang sampung taon.
Nagpakasal na si Ka Freddie sa nobya nitong Nobyembre sa relihiyong Islam.
4. Anne Curtis, nagwala sa bar
Sa isang eksklusibong report ng Philippine Entertainment Portal, isiniwalat nito na nanampal umano si Anne Curtis ng ilang tao sa isang bar sa Taguig City. Hindi naman ikinaila ng aktres ang insidente at agad umano itong humingi ng tawad sa mga taong sangkot sa gulo.
Naging popular din ang linya ni Anne sa mga taong sinampal umano nito: “I can buy you, your friends, and this club.”
3. Miriam, sumabit lang sa Bar exam?
Isa sa mga naging kaabang-abang din ngayong taon ay ang sagutan ni Senador Miriam Defensor-Santiago at Senador Juan Ponce Enrile. Sa mga patutsada ni Santiago kay Enrile, isiniwalat ng huli na mababa ang mga nakuhang marka ni Santiago sa kanyang Bar exam.
Sa isang pahayag, sinabi ni Enrile na 76 lang ang markang nakuha ni Santiago sa Bar exam at 56 ang marka nito sa Ethics. Sa kanyang sagot, idinawit naman ni Santiago si Enrile sa iba’t bang isyu tulad ng smuggling, pagsusugal, pagiging babaero at illegal logging.
2. Sex for flight
Ibinulgar ni Akbayan Rep. Walden Bello ang diumano’y paggamit ng mga opisyal ng mga embahada sa Gitnang Silangan ng kanilang posisyon upang abusuhin ang mga overseas Filipino workers doon lalo na ang mga kababaihan.
Ang mga babae diumano na gustong umuwi ng bansa ay hinihingan ng mga sekswal na pabor ng mga opisyal upang bigyan ng ticket papauwi nang bansa, na dapat sana ay libre lamang. At dahil wala nang magawa, pumapayag ang mga ito na maging biktima.
Nagsagawa ng hiwa-hiwalay na imbestigasyon ukol sa isyu ang Senado, Kongreso, Department of Justice at Department of Foreign Affairs.
1. Pork barrel scam
Ang pinakamalaking iskandalo ngayong taon ay ang pagkakadiskubre sa pork barrel scam na kinakasangkutan ni Janet Lim-Napoles at ng ilan pang mga kilalang senador at kongresista.
Nagkamal umano ng P10 bilyon si Napoles mula sa iba’t ibang pekeng proyekto gamit ang Priority Development Asistance Fund (PDAF) na mas kilala sa tawag na pork barrel ng mga pulitiko.
Kaugnay sa pork barrel scam, lumabas din ang iba pang kontrobersiya tulad ng diumano’y kurapsyon sa paggamit ng Malampaya fund, at ang paggamit diumano sa Disbursement Acceleration Program o DAP upang dagdagan ang pondo ng mga senador na humatol sa pagkakaalis ni dating Chief Justice Renato Corona sa puwesto.
May mga kaso na ng pandarambong o plunder si Napoles na nakabinbin sa Opisina ng Ombudsman, gayon din ang ilang pulitikong dawit dito.
Matapos sumuko sa Presidente, kasalukuyang nakapiit si Napoles sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna. — KG/VC, GMA News
More Videos
Most Popular