P250K, pabuya para mahuli ang nagpaputok ng baril at nakapatay sa sanggol sa Ilocos Sur
Nag-alok ng P250,000 pabuya ang pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Sur para madakip ang nagpaputok ng baril sa pagsalubong ng bagong taon at nakapatay sa isang tatlong-buwang-gulang na sanggol sa bayan ng Caoayan.
Sa isang pahayag na inilagay sa website ng kapitolyo, sinabi ni Ilocos Sur governor Ryan Singson, na kinokondena ng buong lalawigan ang pagkamatay ni Von Alexander Llagas mula sa brgy. Anonang Mayor sa Caoayan.
Ayon sa gobernador, si Llagas ay biktima ng iresponsableng may-ari ng baril.
"We can not tolerate this inhumane act, and we stand firm towards the protection and security of our people be it inside or outside our homes. We are a peace-loving province and this barbaric act does not have a place in us. Let us join hands towards the solution of this case and let peace and order prevail,” pahayag ni Singson.
“The Provincial Govt of Ilocos Sur is offering a reward of P250,000.00 to those who could identify or give a clue to the culprit who cut short a child's life and future and let justice prevail,” dagdag pa niya.
Iniulat na natutulog ang sanggol nang tamaan sa ulo ng ligaw na bala na lumusot sa bubungan ng kanilang bahay na gawa lang sa yero.
Umaasa naman ang ama ng biktima na si Valeriano Antero, na makakamit ng kaniyang anak ang hustisya.
Sa isang panayam sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon, sinabi ni Supt. Jemar Modequillo, Ilocos Sur provincial director, na sinimulan na nila ang pagtatanong sa mga tao na may baril na naninirahan malapit sa bahay ng mga Llagas.
“Pinakuha na natin kung sino yung mga taong nakatira within the vicinity. We started already our initial action, yung mga gun holders ay ininvite na po natin yan for comparison, vinerify na natin. Meron po tayong mga in service na personnel doon at pinapa-undergo na po natin for paraffin test,” paliwanag ng opisyal.
May darating din umanong trajectory expert mula sa Pangasinan crime laboratory para tumulong sa imbestigasyon.
“Nag-invite tayo ng taga-crime lab who is more familiar with trajectory. She is coming now from the region, Pangasinan to look into that talaga,” dagdag ni Modequillo.
Batay sa kanilang paunang imbestigasyon, tinatayang nasa 100-meter radius mula sa bahay ng biktima ang nagpaputok ng baril.
“Nung nakita ko yung tama mula dun sa yero hanggang dun sa kinalalagyan ng bata na masyadong tusok na tusok, meaning malapit lang din yung nagpapaputok. Within the neighborhood lang yan. Yun nga ang sinasabi ko kahapon sa maybahay kasi nakausap natin, hindi ito lalayo ng 100 meter distance,” ayon sa opisyal. -- FRJ, GMA News