1 pang bata na tinamaan ng ligaw na bala sa ulo sa Ilocos, pumanaw na
Kaakibat ng pagpapaputok ng baril sa selebrasyon sa pagsalubong bagong taon ay disgrasya mula sa mga ligaw na bala na tumatama sa mga inosenteng biktima. Nitong Huwebes, iniulat ng GMA news "24 Oras" na pumanaw na rin ang dalawang-taong-gulang na si Rhauz Angelo Corpuz na tinamaan sa ulo ng ligaw na bala sa San Nicolas, Ilocos Norte.
Natutulog si Corpuz nang lumusot sa kanilang bubungan ang bala at tumama sa kanyang sentido.
Isinugod ang biktima sa ospital pero hindi kaagad naalis ang bala sa kanyang ulo dahil sa kritikal ang kanyang kalagayan hanggang sa bawian na siya ng buhay.
Tulad ni Corpuz, natutulog din ang tatlong-buwang-gulang na si Von Alexander Llagas sa Caoayan, Ilocos Sur, nang tamaan ng bala sa ulo at naging dahilan ng kaniyang kamatayan.
Nag-alok ang pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Sur ng P250,000 pabuya sa ikadarakip ng nakapatay kay Llagas.
Sa pinakabagong tala ng Philippine National Police, umakyat na sa 30 ang tinamaan ng ligaw na bala mula noong Disyembre 16, 2013 hanggang Enero 2, 2014.
Ayon kay Ilocos Norte Provincial Director Sr.Supt. Gerardo Ratuita, dalawang lalaki na pinaniniwalaang nagpaputok ng baril sa selebrasyon ng bagong taon ang iniimbestigahan kaugnay sa pagkamatay ni Corpuz.
Gayunman, nilinaw niya na hindi pa itinuturing "suspek" ang dalawang lalaki sa ngayon dahil sa kawalan pa ng katibayan na magdadawit sa kanila sa insidente.
Sa Ilocos Sur, isa pang insidente ng pagpasok sa bahay ng ligaw ang naitala sa pamilya Carpina sa bayan ng Bantay.
Naghahanda umano sa media noche ang pamilya nang pumasok ang bala sa kanilang bahay na tumama sa pader bago bumagsak sa sahig.
Masuwerteng walang nasaktan sa naturang insidente.
Limang basyo naman ng bala ng baril at tatlong bala ng shotgun ang narekober sa plaza ng barangay Oras East.
Paglutas sa mga kaso
Kung pagbabasehan ang nakaraang mga kaso ng ligaw na bala, maaaring imposibleng nang matukoy ang mga nagpapaputok ng baril.
Noong nakaraang taon, habang nanonood ng mga paputok sa labas ng kanilang bahay sa Caloocan City, tinamaan ng ligaw na bala ang pitong taong gulang na si Stephanie Nicole Ella.
Kaugnay nito, 15 katao ang inaresto ng pulisya dahil sa pagpapaputok ng baril sa selebrasyon ng bagong taon, ayon kay PNP spokesman Reuben Sindac sa isang panayam sa GMA News Online nitong Huwebes.
Aniya, apat sa mga naaresto ay mga pulis. Kabilang dito ang isang pulis na suspek sa isang kaso ng ligaw na bala.
“The policemen may possibly [be] charged with criminal and administrative charges,” dagdag nito.
Bukod sa mas maingay na kampanya laban sa pagpapaputok ng baril tuwing pagsalubong sa bagong taon, sinabi ni Sindac na maaari ring makatulong ang bagong batas na Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms Law upang bumaba ang kaso ng mga biktima ng ligaw na bala.
Sa ilalim ng nasabing batas, mas magiging mahigpit umano ang licensing sa mga baril at pagmamay-ari nito.
Paliwanag pa ni Sindac, importante rin ang partisipasyon ng publiko upang matukoy kung sino ang salarin sa mga kaso ng ligaw na bala.
“Huwag ipagsawalang bahala ang mga ito. Magbigay-alam sa pulisya. Mahalaga para maisama sa blotter [and] for future investigations,” paliwanag ng opisyal sa hiwalay na panayam sa programang “Balitanghali.”
Sang-ayon naman dito si Senior Superintendent Wilben Mayor, tagapagsalita rin ng PNP.
“Citizen participation is important. We need to have a witness who can pinpoint who shot the firearm. The evidence we need should be sufficient for conviction and just filing of charges," pahayag ng opisyal sa panayam ng GMA News Online.
Mahalaga rin umano ang siyentipong imbestigasyon upang malaman kung sino ang salarin.
Ang unang hakbang umano ng imbestigasyon ay ang pagrekober sa balang tumama sa biktima. Susundan ng pag-analisa sa trajectory ng tama ng bala at pagsusuri kung saan lugar maaaring pinaputok ang baril.
“Circumstantial evidence is not enough. It should be connected with scientific proof and testimonial evidence,” aniya. “The investigation takes time really.” -- RRDinglasan/FRJimenez, GMA News