ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Credit assistance para sa mga OFW, isusulong sa Senado


Itutulak sa Senado na makapag-loan ang isang Oversear Filipino Worker mula sa Overseas Worker and Welfare Administration (OWWA) para sa gastusin ng pamilya nito sa unang tatlong buwan ng kaniyang pagtatrabaho sa ibang bansa.
 
Sa Senate Bill No. 507, o “An Act Establishing A Credit Assistance Program for Overseas Workers,” makapaglo-loan ang OFW ng P50,000 kapalit ng kaniyang valid contract at certificate mula sa Philippine Overseas Employment Administration na kuwalipikado siyang mangutang. 

Dapat na sertipikado ng recruitment agency lakip ang authentication at sertipikado rin ng POEA ang mga naturang dokumento.
 
Babayaran ang loan sa 12 equal monthly installments o mas higit pa pero hindi lalampas sa 24 buwan na may interes na hindi hihigit sa 6% kada taon.
 
Ani Villar, dapat na may bank account ang isang OFW na mangungutang sa OWWA dahil dito idadaan ang kanyang sweldo at kakaltasin ang buwanang hulog sa loan.
 
Nakapaloob din sa panukalang batas na inihain ni Senador Cynthia Villar na maaari ding maging co-borrower ang miyembro ng pamilya ng qualified OFW.
 
Puwede din aniyang lumagda ang kapamilya sa lahat ng dokumento na kailangan sa paglo-loan.
 
Aniya, makatutulong din ang loan sa gastusin ng OFW sa pag-aapply nito ng trabaho sa ibang bansa sa placement at documentation fee at plane ticket.
 
“It is but fitting to extend our OFWs all the assistance that the government can give, including an exclusive credit assistance program as proposed under this measure,” ani Villar.
 
Naniniwala ang mambababatas na nananatiling “modern day heroes” ng bansa ang ating OFWs. — Linda Bohol/JDS, GMA News