ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Buntis, 8 iba pa, nakagat ng 'askal' sa Cebu city


Siyam na magkakapitbahay -- kabilang ang isang buntis -- ang nakagat ng isang asong kalye na pinapangambahang may rabies sa Cebu City.

Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA news "24 Oras" nitong Martes, sinabing dumulog sa tanggapan ni Cebu city vice mayor Edgardo Labella ang siyam na magkakapitbahay ng barangay Malubog para humingi ng tulong.

Ayon sa kanila, ang aso na nakakagat sa kanila ay napadpad lamang sa kanilang lugar noong bisperas ng Bagong Taon.

Kabilang sa mga nakagat ng aso ay ang isang babae na pitong buwang buntis.



Ikinuwento ng batang biktima na si Menvin Arcillo, na nag-iigib lamang siya nang sugurin at kagatin siya ng aso sa tuhod.

Ayon sa mga biktima, hindi nila alam kung saan nanggaling at sino ang may-ari ng aso.

Lumapit ang mga biktima sa bise alkalde para humingi ng tulong dahil may kamahalan ang anti-rabies vaccine.

Ayon sa alkalde, nakipag-ugnayan na siya sa Department of Health para matulungan ang mga biktima.

Samantala, inihayag ng isang opisyal ng barangay na kaagad nilang pinatay ang aso para hindi na ito makabiktima pa.

Nanawagan naman ang bise alkalde na paigtingin ang kampanya sa paghuli sa mga asong kalye. -- FRJ, GMA News

Tags: rabies, dogs