Ang katiwalian ang dapat ikahiya, hindi ang pagmamahal kay Hesus, ayon kay Tagle
Kinondena ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang katiwalian at pagnanakaw na dapat umanong ikahiya, at hindi pagmamahal kay Hesus.
Ang pahayag ay ginawa ni Tagle sa kaniyang homiliya sa Misa sa Quirino Grandstand sa Manila nitong Huwebes bago ang pagprusisyon sa Itim na Nazareno na bahagi ng taunang tradisyon na traslacion.
Sa kaniyang homiliya, hinikayat ng Kardinal ang mga mananampalataya na huwag ikahiya ang pagpapakita ng pagmamahal kay Hesus.
“Mga kapatid, huwag tayong mahihiya, ipahayag sa mundo. Mahal ako ni Hesus. Mahal ko si Hesus. Huwag kayong mahihiya. Nakakapagtaka nga e, yung mga dapat ikahiya, hindi na ikinahihiya. Yung pagnanakaw hindi na nga ikinahihiya. Dapat ‘yon ang ikahiya," pahayag ni Tagle na nakapagsingit ng pagbibiro nang magkaproblema ang kaniyang mikropono.
"Sinasabotahe ang aking mikropono. Sino 'yan?," pabirong pahayag ng Kardinal na umani naman ng tawanan at palakpakan sa mga tao.
"Uulitin ko ‘yon. Yung mga nakakahiya hindi na ikinahihiya. Pagnanakaw, korupsiyon, hindi na ikinahihiya. Nasa front page pa nga. Huwag ikahihiya si Hesus. Mahal tayo ni Hesus, mahal ko si Hesus.,” patuloy ng lider ng Simbahang katolika.
Ang 3 hamon
Sa taon ngayon na tinawag na "Year of the Laity," sinabi ni Tagle na mayroong tatlong hamon na dapat isagawa ang mga mananampalatayang Katoliko-- ang magdasal, sumunod at pagsaksi.
Binigyan-diin ng Kardinal ang kahalagahan ng pagdarasal na paraan ng pakikipag-usap sa Diyos, pag-aalala at pagmamahal sa kapwa.
"Ang nagdarasal, laging nakakaalaala sa Diyos. At kapag naalaala, kinakausap, pinakikinggan. At ang nakakaalaala sa Diyos, makakaalala sa kapwa," payo niya.
Ang pagsunod naman umano kay Kristo ay pagsasabuhay sa mga aral at salita ng Diyos.
"Hindi pupwede na susunod ako kay Kristo, pero ang laging laman ng isip ko ay kwarta. Hindi pupwede na sasabihin ko, susunod ako kay Kristo pero kaya kong dayain at pagsamantalahan ang aking kapwa," ani Tagle.
"Ang tunay na nag-i-isip lagi kay Hesus, hindi gagawa ng mga bagay na taliwas kay Hesus. Ang pagdarasal, nagbubunga ng pagsunod kay Hesus," patuloy ng Kardinal.
Ang pagsaksi naman ay pagpapatotoo umano sa pagsunod sa kagustuhan ng Panginoon.
"Nakikita sana sa aking buhay na ang katotohanan na aking sinusundan ay si Hesus. Hindi po yung sabi nga nila, yung sinasabi ng labi ay kinakabig naman ng puso. Hindi po. Talagang ipakita na si Hesus ay buhay lalo na sa ating pag-iibigan,” dagdag ni lider ng Simbahang Katolika.
Ang mga biktima ng mga kalamidad
Hinimok din ni Tagle ang mga tao na huwag kalimutan ang mga biktima ng mga kalamidad sa iba’t-ibang panig ng bansa at patuloy na magpasalamat sa mga biyayang natatanggap.
Sinabi ng Kardinal na kadalasan sa paglipas ng panahon ay nakakalimutan na ang mga kababayang dumadaan sa pagsubok at nangangailangan ng tulong para makaahon sa kanilang kinalalagyan.
Kabilang sa mga kalamidad na binanggit ni Tagle ay ang mga biktima ng bagyong "Pablo" sa Tagum City, Davao; ng bagyong "Santi" sa Nueva Ecija; bakbakan sa Zamboanga City; mga biktima ng lindol sa Bohol; at bagyong "Yolanda" sa Visayas. -- MP/FRJimenez, GMA News