NBI, nabahala sa nakumpiskang matataas na kalibre ng armas na ibinenta ng 2 ex-soldier
Dalawang dating sundalo na miyembro umano ng isang gun running syndicate ang nadakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isinagawang operasyon nitong Biyernes ng gabi sa Taguig City.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA news "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing nadakip sa open parking space ng isang mall sa Bonifacio Global City, sina retired Master Sergeant Ernesto Tuquero at retired Army Col. Pablo Bigal Angeles.
Iginiit nila na lehitimo silang nagbebenta ng mga armas at nahuli lang umano ang papeles ng mga ito sa pinagkunan nilang supplier.
Kabilang sa mga nakuha ng mga operatiba sa dalawa ay apat na M4 bushmaster rifle na P150,000 ang presyo ng bawat isa, at sniper rifle na nagkakahalaga ng P220,000.
Nasakote ng NBI ang dalawa matapos magpanggap na buyer ng mga baril ang mga awtoridad.
Ilan sa mga armas ay mayroong silencer at mga bala na hinihinalang nanggaling mismo sa arsenal ng militar dahil na rin sa tatak na nakalagay sa kahon na pinaglalagyan ng mga bala.
Inaalam na umano ng NBI kung saan nanggaling ang mga armas at tinutugis na rin ang iba pang kasamahan ng mga suspek.
Ayon naman sa DND, hihintayin muna nila ang report ng NBI para matunton kung saang sangay ng AFP galing ang mga bala.
Ipinagtatataka naman ni NBI agent Darwin Francisco, ng Anti-Organized and Transnational Crime Division, kung bakit naibebenta ang mga matataas na kalibre ng armas sa labas.
"Disturbing talaga 'yon lalo na sa parte naming law enforcer. At the same time, mapapansin niyo sa mga nakumpiska nating mga baril, hi-powered ito, mayroong silencer, mayroon may scope," ayon sa Francisco. -- FRJ, GMA News