Ex-Davao City mayor Sara Duterte-Carpio, huli sa speeding sa lungsod
Kasunod ng direktiba ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na paigtingin ang kampanya laban sa mga kaskaserong motorista, kahit ang kaniyang anak at dating alkalde ng lungsod ay hindi nakalusot.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Martes, sinabing sinita at kinumpiska ng traffic enforcer sa lungsod ang lisensiya ni dating Davao City mayor Sara Duterte-Carpio nitong Lunes dahil sa mabilis na pagpapatakbo ng kaniyang sasakyan.
Sinabi sa ulat na tumatakbo ang sasakyan ng dating alkalde sa bilis na 57 kilometers per hour, samantalang 40 kph-speed limit sa lugar kung saan siya nasita.
Matapos kumpiskahin ang lisensiya, inisyuhan ng tiket si Duterte.
Tinubos naman daw ng ating alkalde ang kaniyang lisensiya sa nasabi ring araw.
"Paglapit nila, pinara namin. Pagbukas ng pinto, si Ma'am Sara pala. Nagulat ako, ma'am," kwento ng traffic enforcer sa hiwalay na ulat ng GMA News TV's Balitanghali.
Noong 2011, naging kontrobersiyal si Duterte dahil sa pananapak nito sa isang court sheriff bunga ng naganap na demolisyon sa kanilang lunsod.
Humingi naman ng paumanhin ang noo'y alkalde sa naturang insidente na nakunan ng video. -- FRJ, GMA News