ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kasalanan nga ba ni 'Yolanda' kaya dumami ang naniniwalang mahirap sila?


Para kay Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III, posibleng nakaapekto ang pambihirang bagyo na si "Yolanda" kaya tumaas ang bilang ng mga Pilipino na ikinukonsidera ang kanilang sarili na mahirap.
 
Ang pahayag ng pangulo ay reaksiyon sa naging resulta ng pinakabagong survey ng Social Weather Station na nasasaad na nasa 11.8 milyon pamilya ang naniniwalang naghihirap sila na lumitaw sa survey na ginawa noong December 11-16, 2013.
 
Ang bilang ng mga nagsasabing mahirap sila ay tumaas sa 55 percent mula sa dating 50 percent noong nakaraang Setyembre.
 
Bukod sa mga naniniwalang mahirap sila, tumaas din ang bilang ng mga nagsasabing salat sila sa pagkain.  Mula sa  38 percent noong Setyembre, tumaas ito sa  41 percent o katumbas ng 8.8 milyon pamilya.
 
“Both self-rated poverty and self-rated food poverty rose from the previous quarter, and are above their four-quarter averages for 2013,” ayon sa SWS.
 
Sa panayam ng media nitong Martes, sinabi ni Aquino na posibleng marami sa mga natanong ng SWS ay mga biktima ng bagyong Yolanda.
 
"Alangan namang... nawalan ka ng trabaho, nawalan ka ng tirahan, nawalan ng kuryente, na-disrupt yung economy, tapos sasabihin, 'gumanda ang buhay ko.’ Wala naman sigurong magsasabi nun," paliwanag ng pangulo.
 
Sa datos ng SWS mula sa 1,550 katao na tinanong sa buong bansa, lumitaw na tumaas ang nagsasabing mahirap sila sa Metro Manila, natitirang bahagi ng Luzon, at sa Visayas.  Tanging sa Mindanao lamang nagkaroon ng pagkabawas ng naniniwalang mahirap sila.
 
Sa Metro Manila, mula sa 43 percent ay naging 46 percent ang naniniwalang mahirap sila; umangat ng anim na porsiyento at naging 50 percent ang mahirap sa nalalabing bahagi ng Luzon; at nasa 68 percent naman mula sa dating 62 percent sa Visayas. Nabawasan naman ng dalawang porsiyento sa 59 percent ang naghihirap sa Mindanao.

Gayunman, sinabi ni Aquino na hindi lubos na mahalaga ang mga datos dahil ang kaniyang pamamahala ay hindi nakasandal sa mga survey.
 
"Nag-go-govern tayo sa ano ba ang facts. Although magandang tingnan nga 'yan, at saka kung papansinin mo, yung self-rated hunger hindi constant figure 'yan—nagbabago-bago," paliwanag niya.
 
Idinagdag pa niya na ginagawa ng kaniyang gobyerno ang lahat para matugunan ang problema ng kahirapan gaya ng Conditional Cash Transfer (CCT) system.
 
"Dadagdag nang dadagdag yung kakayahan ng bawat Pilipino para makasama doon sa pag-angat ng ating ekonomiya para lalo talagang maging inclusive. Bigyan mo ng skills para maka-participate sa growth ng ating ekonomiya," ayon sa pangulo.

Sa isang ulat na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council noong nakaraang Disyembre, sinabing umabot sa mahigit 11 milyong katao ang naapektuhan ng hagupit ni Yolanda  na nanalasa sa malaking bahagi ng Visayas region.

Ang mga naapektuhan binubuo umano ng 2,376,217 pamilya mula sa 12,076 barangay ng 44 na lalawigan. Nasa 47,863 pamilya o  217,444 katao ang nanuluyan sa 1,070 evacuation centers. —FRJ, GMA News

Tags: talakayan