Mga nakagat ng aso at pusa, dumami; pagpapadugo sa kagat, 'di raw dapat gawin
Umabot na sa halos 5,000 ang naitalang kaso ng mga nakakagat ng aso at pusa sa nakalipas na 15 araw ngayong Enero sa San Lazaro Hospital. Payo naman ng isang duktor, dalhin sa ospital para mabakunahan ng anti-rabies ang mga biktima at huwag paduguin ang sugat na nilikha ng kagat ng hayop.
Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA news 24 Oras nitong Huwebes, sinabing ilang pasyente na nakagat ng hayop ang nakapila sa San Lazaro para mabakunahan ng anti-rabies.
Mula Enero 1-15, nasa 4,991 kaso ng kagat ng aso at pusa ang naitala ng San Lazaro, mas mababa sa 7,114 kaso na naitala noong Enero 1-15, 2013.
Ayon sa isang opisyal ng Department of Health, karaniwang tumataas ang insidente ng nakakagat ng aso at pusa sa ganitong panahon.
Inaasahan din daw na tataas pa ang bilang na ito pagsapit ang tag-init hanggang Mayo dahil nagiging temperamental umano ang mga hayop, ayon kay Dr. Ferdinand De Guzman, chair ng Dept of Family Medicine, San Lazaro Hospital.
Payo niya, laging lagyan ng tubig na maiinom ang mga aso at paliguan ng hanggang tatlong beses sa loob ng isang linggo.
Tiyaking din daw na napabakunahan ang mga alagang hayop.
Kapag nakagat o nakalmot naman ng aso, pusa at iba pang warm blooded animal, dapat umanong linisin o hugasan ang sugat. Maaaring sabunin ang sugat gamit ang sabong panlaba o ng suka o antiseptic.
Kahit napabakunahan ang hayop, dapat pa ring magtungo sa ospital ang nakagat na tao para mabigyan ng anti-rabies vaccine.
"Yung padugo po [ng sugat na likha ng kagat] 'wag niyo na pong gawin iyon kasi lumalaki ang sugat...mas mabilis pa kamo ang pag-akyat ng virus sa brain," paliwanag ni De Guzman. -- FRJ, GMA News