Tensiyon, sumiklab sa pag-takeover ng LGU sa Central Bus terminal sa Naga City
Nagkagirian ang mga tauhan ng lokal na pamahalaan ng Naga City at mga tauhan ng FPM Corporation sa pag-aagawan sa pamamahala sa Central Bus Terminal ng lungsod.
Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, sinabing sinimulan ng lokal na pamahalaan na i-takeover ang pamamahala sa bus terminal nitong Biyernes ng madaling araw matapos mapaso na ang kontrata ng FPM Corp.
Pero isinara umano ng mga tauhan ng FPM Corp ang gate ng terminal at iginiit na mayroon pa silang 15 araw para patakbuhin ang terminal.
Ngunit nanindigan ang lokal na pamahalaan na noon pa sanang Hunyo 2012 natapos ang kontrata ng pribadong kumpanya pero nabigyan lamang sila ng palugid at nitong Huwebes natapos ang huling palugid na ibinigay sa kanila ng korte.
Humupa ang tensiyon ng mismong si Naga mayor John Bongat ang namagitan sa magkabilang panig at pumayag din ang mga tauhan ng pribadong kumpanya na matuloy ang pag-takeover ng lokal na pamahalaan sa terminal. -- FRJ, GMA News