ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Prusisyon na bahagi ng Sinulog Festival sa Cebu City, dinaluhan ng libu-libong deboto


Libu-libong tao -- kabilang ang mga turista -- ang dumalo sa prusisyon sa Cebu City nitong Biyernes na bahagi ng pahahanda para sa kapistahan ng Señor Sto. Niño sa Linggo.

Sa ulat ng GMA news "24 Oras,' sinabing madaling araw pa lang ay tinatayang nasa 50,000 libong deboto ang sumama sa prusisyon.

Sinamahan nila ang pagdadala sa Birhen Maria ng Guadalupe ng Guadalupe Parish patungong Basilica Minore del Santo Niño sa Basilica, kung saan nagkita ang imahe ng Birhen at Santo Niño.



Pagkatapos ng misa, inilabas sa simbahan ang mga imahe ng Birhen ng Guadalupe at Sto. Niño para sa traslacion patungo sa St. Joseph Parish sa Mandaue city.

Dito ay libu-libong deboto naman ang nag-abang sa mga daan kahit umulan. Mayroon ding nagtirik ng kandila sa ruta ng prusisyon habang ang ilan sumayaw ng Sinulog.

Dakong 10:00 a.m. na nang makarating sa National Shrine of St. Joseph ang imahe ng batang Hesus at Birheng Maria.

Dahil inaasahan ang pagdagsa ng mga lokal at dayuhang turistaI ngayong weekend para sa taunang Sinulog Festival, pinaigting ng lokal na pamahalaan at kapulisan ang seguridad sa lungsod.

Samantala, nakisaya naman ang mga Kapuso stars tulad nina Kristoffer Martin at Kim Rodriguez ng upcoming teledramang "Paraiso Ko'y Ikaw," at mga bida ng inaabangang afternoon prime na "The Borrowed Wife." -- FRJ, GMA News