DOH, nagbabala sa publiko sa pagbili ng mga gamot sa internet
Sa harap ng dumadaming kaso ng tigdas sa bansa, hindi inirerekomenda ng Department of Health ang pagbili ng mga gamot at bakuna sa mga online shop dahil posibleng peke ang produktong mabili.
Sa ulat ni Isay Reyes sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Sabado, sinabi ni DOH Assistance Secretary Eric Tayag na mas makabubuti pa rin na magtungo sa mga health center o duktor para masuri at mabakunahan.
"Huwag kayong kukuha ng bakunang peke... pumunta po kayo sa health center o kaya sa linsensyadong doktor para 'di kayo naloloko," paalala ng opisyal.
Una rito, dahil sa patuloy na pagdami ng mga nagkaka-tigdas sa bansa, hinikayat ng DOH ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak para makaiwas sa sakit.
Noong Disyembre, sinabi sa ulat na naglabas ang Food and Drug Administration ng babala sa publiko laban sa pagbili ng gamot at bakuna sa mga online shop.
Ang babala ay ginawa ng FDA matapos matuklasan noong Nobyembre 2013 na may mahigit 100 prescription medicines at biological products para sa mga tao at hayop ang inalis ng online buy and sell website na Sulit.com.ph dahil hindi raw ligtas na gamitin.
Sa kabila nito, mayroon pa rin daw mga nakakalusot.
Ayon naman sa pamunuan ng Sulit.com.ph, simula raw nang tawagin ng FDA ang kanilang pansin, hindi na sila tumigil sa pakikipagtulungan sa ahensiya.
Bumuo rin daw ng grupo ang nabanggit na online shop na sasala ng mga advertisement na ilalagay ng online sellers na may kinalaman sa bakuna.
"All vaccine related ads yung mga keywords na vaccines, measles are all removed from the website. yung mga ads are pre-moderated, they are screened before they are posted on our website," paliwanag ni Jen Magboo, ng Sulit.com.ph.
Wala na rin daw sa kanilang website ang lahat ng mga advertisement na may kinalaman sa measles vaccination simula ngayong Sabado. Bukod dito, nasa proseso na rin daw sila ng pagtanggal ng lahat ng mga prescribed vaccination para matiyak ang kaligtasan ang kanilang mga kliyente.
Hinihintay na lang daw nila ang listahan mula sa DFA ng mga advertisment na kailangan pa nilang tanggalin.
Sa kabila nito, sinabi ni Tayag na patuloy ang gagawaing monitoring ng DOH sa bentahan ng bakuna sa Internet. -- FRJ, GMA News