Ang lalawigang sikat at pinagmulan umano ng masarap na sinabawang 'Bulalo'
Isang lalaki sa Pedro Gil sa Maynila ang napaaway nang bigyan siya ng cup noodle na bulalo flavor gayung ang gusto niya ay bulalo na may buto-buto at sinusupsop. Pero alam niyo ba kung anong lalawigan sa Luzon ang kilala at sinasabing pinagmulan ng recipe ng bulalo?
"Pare ang bulalo mga buto-buto, may laman, sinusupsop ang bulalo pare, ang cup noodles... noodles, noodles, pare." Ito ang gigil na paliwanag ng isang lalaki na napaaway nang bigyan siya ng tindera ng cup noodle na bulalo flavor.
Ang problema lang sa lalaki na tila nakainom, hinanap niya ang sinabawang bulalo na may buto-buto sa isang panaderya o bakery na ang itinitinda... tinapay. (Basahin: Lalaking naghanap ng bulalo soup sa panaderya, napaaway nang bigyan ng cup noodles na bulalo flavor)
Kung nais niya ng mainit, malasa, masabaw at may buto-buto na gusto niyang supsupin at itaktak para makuha ang tinatawag na "utak," dapat siyang pumasyal sa lalawigan ng Batangas.
Sa isang episode ng "Midnight Snack" ng GMA news Saksi, sinabi ng host nito na si Mikael Daez na ayon sa mga culinary expert, ang lutong bulalo ay nagmula sa Batangas, na kilala rin sa cattle industry o pag-aalaga ng mga baka.
Tamang-tama raw ang klima ng Batangas sa pag-aalaga ng mga baka dahil hindi lubhang mainit at malapit din sa dagat ang lugar.
Ang mga mananakop noon na Amerika ang sinasabing nagturo sa mga Batangeño na kumain ng baka. At mula noon, naging bahagi na ng lutuin ng mga Batangeño ang anumang barte ng baka, pati na ang bulalo.
Ang buto-buto na inilalagay sa bulalo ay parte na binti hanggang paa ng baka.
Pero ang "utak" sa buto na sinusupsop at itinataktak, hindi naman talaga utak gaya ng nasa ulo kung hindi "bone marrow" o "marrow," ang puting tissue sa loob ng buto.
Ngunit dahil mataas sa kolesterol ang bone marrow, pinapayuhan ang mga may high-blood na maghinay-hinay sa pagkain nito para makaiwas sa "putok-batok." -- FRJ, GMA News