Erap, nais maibalik ang death penalty; suspek sa child rape-slay, tinawag na daig pa ang hayop
Tila nagtitimpi sa galit si Manila Mayor Joseph Estrada nang makaharap ang suspek sa pagpatay at panggagahasa sa isang anim na taong gulang na babae sa Pandacan, Maynila.
Matapos madakip ng mga awtoridad ang suspek na si Mark Avila sa pagpatay kay Arlene Balolong noong Linggo, nitong Martes ay iniharap siya kay Estrada, ayon sa ulat ni Jay Sabale sa GMA news 24 Oras.
"Bakit mo nagawa 'yon?" tanong ni Estrada habang malapitang nakatitig kay Avila, na maga at may sugat sa kanang bahagi ng pisngi. (Basahin: Suspek sa pagpatay at paggahasa sa bata sa Maynila, nahuli na; pamilya ng suspek, nangangamba)
"Nasobrahan po sir sa alak saka sa droga po," tugon naman ni Avila, na dahilan daw kaya nawala siya sa sarili at nagawa ang karumal-dumal na krimen.
Natagpuan ang bangkay ni Balolong sa madamong bahagi ng President Quirino Avenue noong Linggo ng madaling-araw.
Inabuso at namatay ang bata sa matinding palo na tinamo nito sa ulo.
Bago ang krimen, nakunan sa CCTV camera ang suspek na hawak na naglalakad sa pagtawid sa kalye ang biktima.
Nang malaman ng mga residente na nadakip si Avila, nagkagulo ang mga ito at nais umanong kuyugin ang suspek kaya mabilis na ibiniyahe ng mga opisyal ng barangay patungo sa himpilan ng pulisya.
Nitong Martes, sinabihan ni Estrada si Avila nang harapan na, "daig mo pa ang hayop a."
"Sana masentensiyahan ng bitay 'yan, ma-revive dapat yung death penalty," ayon sa alkalde.
Basahin: Timeline ng Death Penalty sa Pilipinas
Kamatayan din ni Avila ang hangad ng mga magulang ng biktima para makamit daw ng bata ang hustisya.
Hindi ito ang unang pagkakataon ng child rape-slay sa Maynila. Noong March 2012 sa ilalim ng liderato ni dating Manila Mayor Alfredo Lim, dalawang suspek sa panggagahasa at pagpatay sa isang batang babae ang napatay ng pulis sa loob ng kulungan matapos mang-agaw umano ng baril. Panoorin ang video: 2 suspek sa rape-slay case nakipag-agawan umano sa baril, patay sa loob ng presinto
Nang maging pangulo si Estrada noong 1998, pitong death convicts ang nabitay sa ilalim ng kaniyang liderato.
Gayunman, nagpatupad siya ng isang taong moratorium sa bitay nang gunitain ang Christian Jubilee Year noong taong 2000, hanggang sa mapatalsik siya sa kapangyarihan noong Enero 2001 sa pamamagitan ng EDSA 2 People Power revolution.
Naibalik ang parusang kamatayan noong 1993 sa ilalim ng pamamahala ni dating Pangulong Fidel Ramos. Pero muli itong inalis sa ilalim ng liderato ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2006. -- FRJ, GMA News