Bangkay ng 10-anyos na babae, isiniksik sa drainage sa Naic, Cavite
Isinailalim na sa awtopsiya ang bangkay ng 10-taong-gulang na babae na natagpuan sa loob ng drainage ng isang bakanteng subdibisyon sa Naic, Cavite nitong Huwebes ng gabi.
Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Biyeres, sinabing aalamin sa awtopsiya kung ano ang ikinamatay ng bata at kung pinagsamantahan ito.
Apat na lalaki naman ang isinailalim sa imbestigasyon ng pulisya matapos silang ituro ng ilang saksi na huling kasama ng biktimang si Cheska Katibayan Santos.
Ang apat na lalaki na kaibigan at kaanak ng pamilya ng biktima ang sinasabing nakakita sa bangkay.
Pero nilinaw ng Naic police na hindi pa nila itinuturing suspek ang apat.
Hinihinala ng mga imbestigador na hindi bababa sa dalawa katao ang suspek.
Pinapaniwalaang sinakal ang biktima sa pamamagitan ng tela at pinukpok ng kahoy sa ulo. May mga galos din sa katawan ang bata na tila indikasyon umano na nanlaban ito.
Dakong 4:00 p.m. nitong Huwebes nang huli raw makita ang biktima na nanood ng telebisyon sa kapitbahay.
Nagdududa ang pulis kung papaano nakita ng isang lalaki ang bangkay dahil may kalaliman ang drainage.
Binalikan din ng pulisya nitong Biyernes ng umaga ang lugar kung saan nakita ang bangkay at posibleng idinaan daw muna ang suspek ang bata sa isang manhole patungo sa drainage.
Kamakailan lang, isang anim na taong hulang na babae ang nakitang patay sa isang bakanteng lote sa Maynila.
Nadakip ang suspek at umaming lango sa alak at droga nang gawin ang karumal-dumal na krimen.
Dahil sa nangyari sa bata, nanawagan si dating Pangulo at ngayo'y Manila Mayor Joseph Estrada na ibalik na ang parusang kamatayan. -- FRJimenez, GMA News