Ang pag-ibig sa bayan ng batang heneral na si Flaviano Yengko
Sa pamamagitan ng pagsama sa tropa ng mga rebolusyunaryong lumaban sa mga mananakop na Kastila, pinatunayan ni Flaviano Yengko ang kaniyang pagmamahal sa bayan at sa babae na kaniyang sinisinta.
Isinilang sa Tundo, Manila, noong Disyembre 22, 1874, nag-aaral noon ng abogasya si Yengco sa Unibersidad ng Sto. Tomas nang tumugon ito sa panawagan ng armadong pakikibaka laban sa mga Kastila.
Lingid sa kaalaman ng kaniyang ina, nagtungo si Yengko kay Heneral Emilio Aguinado sa Imus, Cavite para maging kasapi ng hukbo noong Nobyembre 1896, at makipaglaban para sa kalayaan ng bansa.
Ang paghahatid ng mga pulbura mula sa Manila patungong Cavite ang naging unang misyon ni Yengko na kaniya namang naisakatuparan. Ilang engkwentro pa ang nasamahan ni Yengko tulad ng Battle of Binakayan at naging mabilis ang promosyon ng kaniyang ranggo hanggang maging kolonel pagsapit ng Disyembre 1896.
Nang maglunsad ng matinding pag-atake sa Cavite ang tropa ng mga Kastila sa pangunguna ni General Cornelio de Polavieja noong Pebrero 1897, kasama si Yengko sa mga rebolusyonaryo na nakipaglaban sa mga dayuhan.
Dahil sa ipinakitang katapangan ni Yengko, itinaas ni Aguinaldo sa brigadier general ang kanyang ranggo.
Nagpatuloy ang pag-atake ng mga Kastila sa Cavite hanggang umabot ang labanan sa tinawag na Battle of Salitran. Sa labanang ito nasugatan si Yengko at napilitang umatras ang kaniyang tropa patungo sa Imus.
Dinala si Yengko sa ospital sa Imus at tuluyang pumanaw noong Marso 3, 1897 sa piling ng babaeng kaniyang iniibig na taga-Cavite.
Tutol kay Yengko ang ama ng babae dahil sa paniwalang mahusay lang siyang manamit pero kulang sa katapangan. Sa pagsama niya sa rebolusyon, pinatunayan ng batang heneral na mali ang pagkakakilala sa kaniya ng ama ng babaeng kaniyang minamahal. -- FRJ, GMA News