PNoy, 4 na bagitong senador, tutol na ibalik ang bitay
Malamig pa rin si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III sa mga mungkahi na ibalik na ang parusang kamatayan kasunod ng dumadaming karumal-dumal na krimen tulad ng panggagahasa kung saan mga bata ang nagiging biktima.
Sa panayam ng media matapos ang awarding ceremony ng The Outstanding Filipino (TOFIL) sa Alabang nitong Miyerkules, sinabi ng pangulo na mas mahalagang paghusayin muna ang sistema ng hustisya.
“Hangga't hindi tayo nakakatiyak na talagang nabigyan lahat ng kaniyang hustong karapatan para ipagtanggol ang kanyang sarili 'pag tayo'y may sinentensiyahan ng kamatayan, wala nang bawian 'yon, so palagay ko kailangang pag-aralan nang husto 'yan,” paliwanag ni Aquino.
Nitong Martes, inihain ni Senador Tito Sotto ang isang panukalang batas na bubuhay sa parusang kamatayan dahil umano natatakot ang mga kriminal sa parusang pagkakabilanggo ng habambuhay.
Sa nakalipas na mga linggo, ilang insidente ng panggagahasa at pagpatay na ang mga biktima ay pawang mga bata ang naitala.
Pinakahuli ang panghahalay sa isang 11-anyos na babae sa Rizal na nakaratay ngayon sa ospital dahil sa pagdurugo ng ari matapos gahasain umano ng kapitbahay.
Basahin: 11-anyos na babae sa Rizal, naospital matapos duguin dahil sa panggagahasa ng kapitbahay
Basahin: Batang babae na nakitang patay sa drainage sa Naic, Cavite, ni-rape
Basahin: Suspek sa pagpatay at paggahasa sa bata sa Maynila, nahuli na; pamilya ng suspek, nangangamba
Ayon kay Aquino, hindi rin lubos na gagana ang hustisya kahit ibalik ang parusang kamatayan kung may depekto pa rin sa sistema ng katarungan sa bansa.
“Nakakasigurado ba tayo na yung inosente ay hindi mako-convict? Sad to say 'yan ay work in progress pa rin,” paliwanag niya.
Aniya, noong kongresista pa siya, maging ang mga abogado, senior government officials, at mga kapwa mambabatas ay naniniwala na hindi pa perpekto ang justice system sa bansa.
Naniniwala ang pangulo na hindi lang ang pagbabalik sa parusang kamatayan ang solusyon laban sa kriminalidad.
“Mas deterrence siguro iyong katiyakan na makukulong ka o mahuhuli ka 'pag may ginawa kang krimen at iyon ang puspusan naming ginagawa,” pagtiyak niya.
Katwiran pa ni Aquino, maaaring lumilitaw na mas marami ang nagaganap na krimen ngayon dahil mas nagiging epektibo na ang ginagawang pangangalap ng datos ng kapulisan.
“So, pwedeng magkaroon ng perception na dumami ang krimen dahil nga mas angkop iyong datos. 'Pag nalikom naman po natin nang buo 'yan, palagay ko ang solusyon ay kasunod na para maka-focus ka ng iyong anti-crime efforts, for instance, tutulong ang statistics,” aniya.
Patuloy ni Aquino, "May kasabihan, kailangan para tama ang solusyon, kailangan tama ang pag-analisa ng problema. Kung itinatago o hindi ipinapaalam iyong mga dapat i-solve na mga krimen dahil gustong magpaganda ng kanilang crime solution report... hindi natin naso-solve iyang krimen na 'yan.”
Ayaw din ng mga bagito
Tutol din sa pagbabalik ng parusang kamatayan ang mga baguhang senador na sina Paolo Benigno "Bam" Aquino IV, Nancy Binay, Juan Edgardo Angara at Cynthia Villar.
"Walang study na nagpapakita na deterrent siya [death penalty] sa crime. Even sa statistics from the US, makikita mo na walang correlation between death penalty and pagbaba ng rate ng krimen," paliwanag ni Sen Aquino sa media.
Nagkakaisa naman sina Binay at Angara na dapat munang palakasin at pahusayin ang sistema ng hustiya sa bansa para maipatupad ng husto ang katarungan.
"We need to institute reforms in the judicial system and strengthen our law and instill the importance of discipline," paliwanag ni Binay.
"Sa aking opinyon, tingnan muna natin ang implementasyon ng ating mga batas dahil ang mga ibang bansa ay moving towards wala nang death penalty," ayon naman kay Angara.
Ikinukonsidera naman ni Sen. JV Ejercito, na suportahan ang panukala ni Sotto.
"It’s a very controversial issue. It’s hard to have peace and order if criminals always get away with it. I feel siguro ever since it [death penalty] was taken away, I feel it’s still connected, especially with heinous crimes becoming regular," ayon sa baguhang senador.— FRJ, GMA News