Imahen ng Sto. Niño na nakita sa damuhan, nagsalita't lumambot daw ang katawan nang pulutin ng 3 bata
Totoo nga kaya ang mga kwento tungkol sa tinatawag na Sto Niñong gala? Sa Lapu-lapu City, Cebu, dinadayo ngayon ang isang imahen ng Sto Niño na napulot ng tatlong bata sa damuhan at iniuwi sa kanilang bahay matapos umano itong magsalita na isama siya at huwag itapon.
Sa ulat ni Chona Carreon ng GMA-Cebu sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Miyerkules, sinabing ang imahen ng Sto Niño ay nakita nina Neniel Ballermo, 3-anyos, at magkapatid na KJ Ace, 4, at Shermel Arellano, sa madamong bahagi sa barangay Mactan, na malapit sa baybayin.
Sa pag-aakalang laruan, pinulot daw ng mga bata ang imahen pero naihagis nila ito sa pagkagulat nang magsalita raw at lumambot ang katawan ng Sto Niño.
Hindi naman makapaniwala ang mga magulang ng mga bata sa kwento ng kanilang mga anak.
"Akala nila manika kasi maganda ang sumbrero. Nang makita ko hindi naman ordinaryong laruan kundi Sto Niño," ayon kay Ramil Arellano, ama nina KJ Ace at Shermel.
"Narinig daw ng anak kong sinabi ng imahen na 'huwag niyo akong itapon, dalhin niyo ako,' pag-alaala naman ni Janet Ballermo sa naging kwento sa kaniya ng anak na si Naniel.
Hinanap daw ng mga residente ang ang may-ari ng imahen pero wala raw umanagkin nito. Mabilis namang kumalat ang balita tungkol sa himalang ginawa ng Sto Niño kaya dumagsa ang mga tao.
Ang Simbahang Katolika, hindi naman basta naniniwala sa kwento ng himala pero iimbestigahan daw nila ang pangyayari. -- FRJ, GMA News