ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Nino Muhlach pinayagang magpiyansa


Pansamantalang nakalaya nitong Byernes ang aktor na si Niño Muhlach matapos magpiyansa ng P200,000 makaraang mahulihan ng ilegal na droga noong Huwebes. Iniulat ng dzBB na nagtungo sa sala ni Quezon City regional trial court Executive Judge Thelma Ponferrada si Muhlach, Angelo Jose Muhlach sa tunay na buhay, bandang 3:00 ng hapon. Kasama niya ang tatlong miyembro ng Bicutan Regional Police Office subalit hindi siya pinosasan. Nakatakdang i-raffle ang kaso ng aktor sa Lunes upang malaman kung sinong hukom ang didinig sa kaso. Noong Huwebes, sinampahan ng National Capital Region Police Office ng kasong paglabag sa Section 11 Article 11 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Muhlach. Inaresto ang aktor makaraang makatanggap ng impormasyon ang Anti-Illegal Drugs Branch-RPIOU na magkakaroon ng transaksyon sa ilegal na droga ang isang Niño sa Shopwise mall sa Libis, Quezon City. Nagsagawa ng imbestigasyon ang mga pulis sa food court hanggang sa mapansin nila ang isang babae na may ipinasang bagay sa ilalim lamesa sa kanyang kasamang lalaki. Nahuli ang actor subalit nakatakas ang babae. Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory nitong Biyernes na ang putting kristal na bagay na nakuha kay Muhlach ay shabu. Iniulat ng laboratory analysts ng Southern Police District (SPD) na ang plastic sachet na nakuha kay Muhlach ay naglalaman ng 1.9 gramo ng shabu. "Qualitative examination conducted on the abovestated specimen gave positive result to the tests for metamphetamine hydrochloride (shabu), a dangerous drug," saad ng ulat ng PNP Crime Laboratory. Si Senior Inspector Abraham Verde Tecson, hepe ng Physical Science Section, ang nagpatunay sa ulat ng laboratoryo bilang test examiner. - Amita Legaspi, GMANews.TV