ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

College boy na walang ID sa loob ng campus, sinapak at tinutukan daw ng baril ng guwardiya matapos sitahin


Nauwi sa pananapak at panunutok umano ng baril ang ginawang paninita ng isang guwardiya sa isang second year college student na lalaki sa San Carlos City, Pangasinan na nakapasok sa sa campus nang walang suot na ID.

Sa ulat ni Jasmine Gabriel ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Martes, sinabing naganap ang pananakit sa estudyanteng itinago sa pangalang Bryan noong Enero 24 sa loob ng Pangasinan State University San Carlos.

Kwento ni Bryan, nasa loob na siya ng campus nang sitahin siya at sigawan ng hindi pinangalanang guwardiya dahil wala siyang suot na ID ng eskwelahan.

"Minura niya po ko dun sa loob ng campus habang pinapalabas po ako nanutok ng baril," ayon kay Bryan. "Yung pagkalabas ko po medyo natakot po ako kasi nagtutok siya ng baril."



Dahil na rin ng pag-init ng ulo, nasagot daw nito ang guwardiya at sinundan siya hanggang paglabas sa eskwelhan. Dinala umano siya ng guwardiya sa guard house  at doon siya sinuntok na tumama sa kaniyang kanang mata.

Ayon naman sa pamunuan ng unibersidad, sinibak na sa trabaho ang security guard noong nakaraang linggo. Ang security agency umano ang nag-alis sa guwardiya sa paaralan habang nagsasagawa ito ng kanilang imbestigasyon.

Mayroon din umanong hiwalay na imbestigasyon na ginagawa ang pamantasan at aalamin nila kung bakit may dalang baril ang security guard.

Batay daw kasi sa kasunduan, walang baril dapat ang mga security guard na nakatoka sa umaga at tanging sa gabi lang sila maaaring magdala ng baril para mabantayan ang paaralan.

Sinabo sa ulat na hindi muna nagbigay ng pahayag ang security agency, at patuloy na sinikap na makuha rin ang panig ng inirereklamong guwardiya. -- FRJ, GMA News