Ex-PBA star Rudy Distrito kulong sa Las Vegas
Hinatulan nitong Biyernes sa Nevada, USA si Rudy Distrito, ang binansagang âThe Destroyer" ng Philippine Basketball Association (PBA), na makulong ng mula apat hanggang 12 taon dahil sa pagpatay sa isang Mexican noong 2004. Nakasuot ng asul na damit at nakaposas, hindi napigilan ni Distrito, 48 anyos, na lumuha kasabay ng paghingi ng paumanhin sa kanyang pamilya, asawa, ina ng kanyang biktima at sa kanyang mga tagahanga, ayon sa ulat ng online www.reviewjournal.com. Iginawad ni District Judge David Wall ang hatol kay Distrito sa salang âvoluntary manslaughter" nang saksakin niya si Juan Amaya, 24, noong Nobyembre 2004. Iginiit ni Atty. Dan Silverstein, abogado ni Distrito na ipinagtanggol lang ng kanyang kliyente ang sarili. Sinabi sa ulat na nakiusap si Distrito kay Judge Wall na bigyan siya ng isa pang pagkakataon. Ibabawas sa hatol ni Distrito ang may dalawang taon na nitong pagkakakulong habang dinidinig ang kanyang kaso. Iniulat din ang pag-iyak ng ina ng biktimang si Amaya nang ipakita ng prosekusyon ang larawan nito sa korte. Sinabi nito na dapat pagbayaran ni Distrito ang ginawa sa kanyang anak sa US at hindi sa Pilipinas. Ipinaliwanag ni Silverstein sa korte na hindi masamang tao si Distrito at ipinagtanggol lang ang sarili kaya napaslang si Amaya. Hiniling niya na pagkalooban ng probation si Distrito at ikonsidera ang mga nagawa ng basketball star sa mga mahirap na Filipino tulad ng pagkakaloob ng scholarship at pagtuturo ng basketball ng libre. Aminado naman si Judge Wall na hindi puwedeng balewalain ang mga mabubuting nagawa ni Distrito na pinatunayan ng kanyang mga tagasuporta, Ngunit hindi rin naman umano puwedeng isang-tabi ang ginawa niyang pagkitil sa buhay ni Amaya. Umaasa naman si Ed Santos, kaibigan ni Distrito, na hindi mapapasama ang dating sikat na basketbolista sa loob ng kulungan. Inilarawan niya si Distrito na âmarangal at mapagbigay." Kaagad na ipapadeport sa Pilipinas si Distrito sakaling mapagkalooban siya ng parole. Nag-ugat ang trahedya noong Nov. 24, 2004, nang bisitahin ni Distrito ang kanyang dating kinakasama na si Marie Jo Buenafe sa Las Vegas at doon nagkita sila ni Amaya. Sinabi sa ulat na kakakasal lamang noon nina Marie at Amaya. Natigil ang karera ni Distrito bilang professional basketball player noong 1995 nang suspindihin siya ng liga dahil sa sadyang pananakit kay Jeffrey Cariaso sa isang laro nila sa PBA. Kasunod nito ay ang mas mabigat na parusa mula sa Games and Amusement Board (GAB) nang tuluyang alisan siya ng lisensiya para makapaglaro. Hindi nagtagal ay lumipad si Distrito sa US kasama ang mga anak upang magsimula sana ng bagong buhay.- Fidel Jimenez, GMANews.TV