Paniningil ng Quezon City ng garbage fee sa mga residente nito, pinigil ng SC
Nagpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema laban sa pangongolekta ng garbage fee ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa mga residente nito na nagkakahalaga ng P100 hanggang P500 bawat taon.
Ang naturang singil ay isinama ng lokal na pamahalaan sa pagbabayad ng amilyar ng mga residente na sinimulan ngayong 2014.
Ang TRO ay ipinalabas ng SC batay sa petisyon ni Jose Ferrer Jr., residente ng Kamias Road, Quezon City, na inihain nitong Enero 17.
Sa petisyon ni Ferrer, hiniling nito na pigilan ng korte na maipatupad ang ipinasang ordinansa ng lokal na pamahalaan para maningil ng pera sa pagkolekta ng basura.
.
"SC 3d division issues TRO against QC new garbage fees. Reso not yet out. Ferrer v Bautista," nakasaad sa ipinadalang text message ni Thedore Te, tagapagsalita ng SC at pinuno ng SC Public Information Office.
Kabilang sa mga respondent sa petisyon ni Ferrer sina QC Mayor Herbert Bautista, miyembro ng city council, city treasurer at city assessor.
Iginiit ni Ferrer na hindi na kailangang mangolekta ng bayad sa pagkuha ng mga basura sa mga residente dahil magsisilbi itong "double taxation."
Iginiit niya na ang mga ginagawa ng lokal na pamahalaan ay dapat ginagastusan mula sa iba't ibang buwis na kinukuha nito sa mga residente at maging sa pondo ng Internal Revenue Allotment (IRA) nito.
Idinagdag ni Ferrer na ang garbage fee ay dapat kasama na sa koleksiyon ng lokal na pamahalaan na noong 2012 ay umabot umano sa P13.69 bilyon.
Maaari na umanong kumuha ang Quezon City ang maliit na bahagi mula sa kinikita ng lokal na pamahalaan para ilaan sa garbage collection at iba pang kailangan na serbisyo—FRJ, GMA News