Vhong Navarro, nilinaw ang tungkol sa kumakalat na larawan ng durog at sunog na maselang bahagi ng katawan
Sa panayam ng GMA News kay Vhong Navarro nitong Huwebes, inihayag ng TV host-actor na hindi pa siya handang magpatawad sa mga taong nanakit at nagdulot sa kaniya ng matinding trauma. Naging emosyunal din siya sa nakukuhang suporta sa mga taong hindi raw niya kilala.
Sa panayam ng ginawa Mariz Umali kay Vhong na ipinalabas sa GMA news "24 Oras" nitong Huwebes ng gabi, binalikan ng komedyante ang mga nangyari noong gabi ng Enero 22 sa condo unit na tinutuluyan ni Deniece Cornejo sa Bonifacio Global City sa Taguig City.
Iginiit niya na hindi niya ginahasa si Deniece at na-set-up lang umano siya ng grupo ni Cedric Lee na bumugbog sa kaniya. Hindi rin umano niya nagawang lumaban dahil tinutukan siya ng baril at nilagyan ng tape ang kaniyang kamay at paa.
"Mahirap po kasing lumaban kapag tinutukan ka ng baril at tinape po ang kamay at paa mo, at blinindfold ka pa po at nilagyan ng busal sa bibig. Hindi ko na po nagawang lumaban talaga," kuwento nito.
Pagtatapat ni Vhong, akala umano niya ay katapusan na niya nang sandaling iyon.
Basahin: Cedric Lee: 'Ikaw pa nagpalaki nito, binaliktad mo pa kami ngayon'
Ginawa ang panayam kay Vhong matapos siyang lumabas ng ospital at magtungo sa Department of Justice (DOJ) upang panumpaan ang karagdagang affidavit na bahagi ng mga reklamong isinampa laban kina Cedric Lee.
Sakaling may mangyari umano sa kaniyang ipinaglalaban, sinabi ni Vhong na gusto niyang "may magdusa at may makulong " sa kaniyang sinapit.
Muli ring itinanggi ni Vhong ang alegasyon na naaktuhang hinahalay niya si Deniece kaya siya binugbog ng grupo ni Cedric, at hiningan ng pera bilang pambayad sa mga nasirang gamit sa condo at danyos sa dalaga.
"Hindi po ako nang-rape, at wala po akong ginawang rape. Siyempre hindi naman po lahat sila pwedeng i-please. Kumbaga, kanya-kanyang paniniwala. Basta po ako, nagsasabi po ako ng totoo, at malinis po ang konsensiya ko," pahayag ni Vhong.
Kung mayroon man daw siyang nagawan ng kasalanan, ito raw ay ang kaniyang kasintahan.
Basahin: Hamon ni Deniece Cornejo kay Vhong Navarro: ‘Magpakalalaki ka!’
Tungkol sa mga kumakalat na impormasyon at larawan sa internet na dinurog o sinunog na maselang bahagi ng katawan na ipinapalabas na kay Vhong, nilinaw ng aktor na hindi iyon sa kanya.
"May mga lumalabas po ngayon, hindi po 'yon, hindi po 'yon ang totoo," paglilinaw ni Vhong.
Sa tanong ni Mariz kung ano ang totoo, tugon ng aktor: "Basta hawak pa po nila yung video; basta dun, binaba nila yung short ko, bini-video nila, tapos may pinapasabi po silana, 'ako nga po si Vhong Navarro, nang-rape po ako ng kaibigan.' Ganun na may nakatutok na baril rin po doon."
Ayon kay Vhong wala siyang maisip na dahilan para saktan siya ng labis ng grupo ni Lee. Sinabi rin umano sa kaniya ni Deniece na wala itong nobyo.
"Wala po talaga akong idea na gagawin nila yung ganung klaseng pangugulpi po nila sa akin. Dahil una po sa lahat, alam ko pong wala akong ginagawang masama," anang aktor.
Patuloy pa nito, "Ang sinabi po sa akin ni Deniece wala siyang boyfriend. Kung meron po akong nagawang kasalanan, eh dun lang po sa girlfriend ko. At inaamin ko po talaga na nagkasala talaga ako sa kanya."
Naiyak sa suporta
Hindi naman napigilan ni Vhong na maging emosyunal at mapaluha nang mapag-usapan na ang suporta na kaniyang natatanggap.
"Sa lahat po ng sumusuporta sa akin, maraming maraming salamat po. Sa lahat po ng mga dasal at paniniwala po niyo sa akin, at hindi niyo po ako hinuhusgahan," naluluhang pahayag ng aktor.
"Mula po sa nasaksihan ko sa paglabas ko St. Lukes saka sa DOJ, iba po yung ipinakita nilang pagsuporta sa akin. Sinasabi po nila, 'kasama kami sa laban mo.' Mga nanay po ito, mga estudyante po itong nagsasalita," dagdag pa niya.
"Parang ang sarap pong makarinig sa ibang tao na hindi mo kilala, ang sarap po ng pakiramdam 'yon po yung mga tipong nagbibigay sa akin ng lakas pa ng loob para harapin po 'tong mga pagsubok po sa akin, at sa mga gumawa po sa akin nito," patuloy ni Vhong.
Tungkol naman sa mga hindi naniniwala sa kaniyang bersiyon, sinabi ni Vhong na wala siyang magagawa dito dahil may kaniya-kaniyang paniniwala ang mga tao.
Sa bahagi ng panayam, sinabi ni Vhong na hindi pa siya handang magpatawad sa mga nanakit sa kaniya dahil na rin sa matinding sakit at trauma na dinanas niya. -- Rie Takumi/FRJ, GMA News