Jinggoy kay Tuason: Nagtatampo lang yan
Nagtampo lamang umano si Ruby Tuason kaya napilitang bumalik ng bansa at nagsasalita sa umano'y kaugnayan ni Sen. Jinggoy Estrada sa "pork barrel" scam.
Ito ang reaksyon ni Sen. Jinggoy sa biglaang pag-uwi ni Tuason mula sa US matapos ang ilang buwang pananahimik kasunod ng pagkadawit nito sa isyu ng pork barrel.
Si Tuason ay dating secretary ng ex-President at ngayon’y Manila mayor Erap Estrada at family friend. Agad siyang lumabas sa bansa nang madawit sa kontrobersiya.
Ani Estrada, minsan silang nagkausap sa telepono ni Tuason at humihingi aniya ng tulong pinansiyal sa kaniya dahil kinakapos na ito sa budget.
Subali’t, sinabi ng solon na wala siyang maibibigay na tulong dito.
Mabilis na nai-freeze na ang bank accounts ni Tuason kasunod ng mga pagbubunyag ni Benhur Luy, whistleblower sa isyu ng pork barrel scam, na isa siya sa tumatanggap ng commission kapalit ng referrals sa mga proyektong naibibigay nito sa mga mambabatas.
Ang negosyanteng si Janet Lim-Napoles ang itinuturong utak ng kontrobersiya at umano'y nagkamal ng salapi mula sa pondo ng mga mambabatas na idinaaan sa bogus NGOs nito.
Matatandaang sinabi ng batang Estrada na hindi siya nangangamba kung sakaling ipatawag sa Senado si Tuason dahil kumpiyansa siya na wala naman itong sasabihin laban sa kaniya kaugnay sa isyu ng P10-bilyong scam.
“Dahil talagang wala naman,” ani Estrada.
Subali’t ilang araw bago dumating sa bansa si Tuason, iginiit ni Estrada na posibleng nagtatampo lang ito sa kaniya dahil hindi napagbigyan ang hiling nitong tulong-pinansyal.
Nanumpa na si Tuason sa Ombudsman na sasabihin nito lahat ng kaniyang nalalaman sa isyu at nangakong ibabalik ang commission o salapi na kinita nito sa pagre-refer sa mga mambabatas para sa mga proyekto na idinaan sa pekeng NGOs ni Napoles. — Linda Bohol /LBG, GMA News