Batang babae, hinihinalang namatay dahil sa meningococcemia sa Iloilo City
Hinihinalang namatay dahil sa sakit na meningococcemia ang isang walong-taong-gulang na babae sa Iloilo City. Hindi na umano naagapan ang kalagayan ng bata dahil sa albularyo ito unang dinala sa halip na sa ospital.
Sa ulat ni Jennifer Muneza ng GMA-Iloilo sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Huwebes, sinabing unang nakaramdam ng panghihina ng katawan ang babae noong nakaraang Miyerkules.
Pero sa halip na dalhin sa doktor, sa albularyo umano dinala ng kanyang mga magulang ang bata. Makalipas ang ilan araw, lumala ang kondisyon ng bata at umabot sa puntong nawalan na ito ng malay.
Isa sa mga kapitbahay umano ang nagpasyang dalhin na ang bata sa ospital pero hindi nagtagal ay binawian na siya ng buhay.
Kwento ng kapitbahay, nagkaroon ng mga pasa sa balat ang bata at may dugo ring lumabas na sa bibig nito.
Isa sa mga hinihinalang sanhi ng pagkamatay ng bata ang ay meningococcemia. Nakitaan daw ng bata ng ilang sintomas nito tulad ng lagnat, kombulsyon, pagsusuka at mala-pasang pantal sa katawan.
Nagpadala na ng Health Emergency Medical team ang Department of Health-Region 6 sa ospital kung saan dinala ang bata.
Susuriin nila ang mga labi ng biktima para matiyak kung ano nga ba ang kanyang ikinamatay, at oobserbahan din ang mga nakasalamuha nito.
Nilinaw ng DOH na hindi pa kumpirmado na kaso nga ng meningococcemia ang pagkamatay ng bata.
Posible rin daw kasing dyscrasia na isang blood disorder ang sakit ng biktima, na kahawig daw ang mga sintomas sa meningococcemia. -- FRJ, GMA News