Bagong droga na pinaghalong shabu at ecstasy, umuuso sa kabataan – PDEA
Binabantayan ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency ang isang bagong uri ng droga na pinaghalong ecstasy at shabu.
Sa panayam nitong linggo ng GMA News Online kay Derrick Carreon, hepe ng PDEA Public Information Office, sinabi niya na "new emerging trend" ang paggamit ng droga na kung tawagin ay "fly high."
Isa umano itong uri ng ecstasy (methylenedioxymethamphetamine) na kalimitang ginagamit ng kabataan kung kaya ito'y nabangsagan ng PDEA bilang "point of concern."
"The shabu-laced ecstasy, often called "fly high" or "party" is said to be gaining headway and in demand among club and party-goers," ayon sa PDEA sa isang hiwalay na pahayag.
Kamakailan umano, dalawang operasyon ang inilunsad ng PDEA sa Quezon City at Makati City kung saan nasabat ng mga awtoridad ang nasabing droga.
Hindi naman binanggit ni Carreon ang halaga nasamsam na droga.
Bukod sa Metro Manila, binabantayan din umano ang paglaganap ng "fly high" sa iba't ibang lugar ng bansa, kasama na ang Western Visayas.
Ayon sa naunang balita, nakaabot na raw sa Iloilo City ang naturang droga na maaari diumanong nagsimula nang ipagdiwang ang Dinagyang Festival noong nakaraang buwan.
Ang bagong droga ay nakakapsula na kulay berde o brown. Tataas umano ang libel ng sexual libido ng mga gumagamit nito habang hindi nakararamdam ng gutom o antok sa loob ng hanggang limang araw.
Kinukumpirma pa sa ngayon ng mga awtoridad kung totoong inatake sa puso na isang lalaki matapos gumamit ng nasabing droga.
Ayon pa sa PDEA, ang mga kemikal na sangkap sa paggawa ng "fly high" ay nagmumula sa isang karatig-bansa sa Southeast Asia. Binabyahe umano ito papasok sa bansa na bultuhan linggo-linggo.
"PDEA is presently intensifying its intelligence gathering to arrest unscrupulous elements responsible for this new trend in illegal drug trafficking," ayon dito. — Rouchelle R. Dinglasan /LBG/JDS, GMA News