ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Panahon na ba para gawing legal ang paggamit ng marijuana bilang medisina?


Inirekomenda sa Kongreso ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) na kailangan pa ang ibayong pag-aaral bago payagan na gawing legal ang paggamit ng marijuana bilang medisina. Sa isinagawang pagdinig ng House committee on dangerous drugs at oversight committee on dangerous drugs, sinabi ni Health Undersecretary Nemesio Gako, na dapat magsilbing huling paraan na lamang ang paggamit ng marijuana para makagamot ng sakit sakaling magpasya ang Kongreso na luwagan ang batas tungkol dito. Basahin: Obama: Smoking pot no more dangerous than drinking "Our recommendation is to have more study to prove that benefits will outweigh the risks. If ever it would be legalized, it will be the last alternative. Meaning all of the medicines available now have been exhausted already and let us see the demand from (health) practitioners," paliwanag ng opisyal ng DOH. Ginawa ang pagdinig bunga ng planong paghahain ni Isabela Rep. Rodolfo Albano III, ng panukalang batas na gawing legal ang paggamit ng marijuana bilang medisina. Nagbabala rin si Gako na maaaring gumamit ng iba pang uri ng iligal na droga ang mga taong papayagang gumamit ng marijuana.            "If you start using small dose of marijuana, you may end up getting higher doses. Marijuana  can be the gateway to get another addictive drug.  Number two, there is no enough study to convince its therapeutic claims and its effects and saka ngayon, wala pang practitioners na  nagsasabi na gusto nila [na gamitin ito]," anang opisyal. Sa naturang pagdinig, nagpahayag ng pagtutol si Melody Zamudio, kinatawan ng Food and Drug Administration (FDA),  na gawing legal ang marijuana dahil itinuturing ito na banned substance o prohibited drugs. Nanawagan naman si Chuck Mananzala at Dra. Donabelle Cunanan, na ikonsidera ng Kongreso ang pagpasa ng batas para luwagan ang paggamit ng naturang uri ng iligal na droga para sa mga maysakit. Basahin: World's first state-licensed marijuana retailers open doors in Colorado "Let us approach the issue of cannabis from the standpoint of science, passion, health and human rights. I submit that preventing the medical use of marijuana is legally, scientifically, and morally wrong. Let's approach the issue as literally a matter of life and death," paliwanag ni Mananzala, founder ng Medical Cannabis Research Center and Philippine Cannabis Compassion Society at tagasuporta ng Philippines Moms for Marijuana. Dagdag pa niya, "So I appeal to the committee on dangerous drugs and DoH to help our patients have safe and legal access to (medicinal marijuana). Their children are suffering, tried all medicines but did not work." Lumuluhang umapela rin si Cunanan, kinatawan ng Philippines Moms for Marijuana, sa mga mambabatas na payagan ang paggamit ng marijuana bilang gamot. "Hindi ako adik at hindi ako kriminal. Pero kawawa ang anak ko," paliwanag ni Cunanan na ang anak ay mayroong epilepsy at naniniwala na makatutulong ang marijuana sa kalagayan ng kaniyang anak. Sa naturang pagdinig, nagpahayag din ng pagtutol ang Philippine Medical Association na gawing legal ang marijuana dahil sa kawalan ng masusing pag-aaral tungkol sa medicinal benefits nito.   Ayon kay Dr. Manuel Panopio, presidente ng Philippine College of Addiction Medicine, maging sa mga bansang ginawang legal ang marijuana ay patuloy pa rin ang debate ng mga eksperto tungkol sa bisa ng marijuana para makagamot ng sakit.   “We will be very cautious in [endorsing the] use of medical marijuana until such time that there are evidence-based studies proving its efficiency,” aniya. Dahil sa mga pag-aaral na nakatutulong umano ang marijuana sa ilang sakit, ilang bansa ang ginawang legal ang paggamit ng marijuana tulad sa State of Colorado sa Amerika na sinimulan nitong Enero 1. - RP/FRJ, GMA News

Tags: talakayan,