Bata, patay nang nabagsakan ng bakal na gagawing basketball ring sa Ilocos Sur
Patay ang isang bata matapos na mabagsakan ng poste na gagawing basketball ring sa San Juan, Ilocos Sur. Sinisisi naman ng mga magulang ng biktima ang liderato ng barangay dahil bato lang ang ginamit na pabigat sa poste kaya madali itong natumba.
Sa ulat ni Manny Morales ng GMA-Ilocos sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Lunes, sinabing naisipan ng 10-anyos na biktimang si Eljay Ubando, at kaibigan nitong si Kean Villoria na maglaro at akyatin ang gagawing basketball ring.
Ngunit paglambitin ni Ubando, biglang bumigay ang suportang bato sa ibaba ng poste at tuluyang bumagsak ang poste. Nabagsakan sa ulo ang biktima habang nakatalon si Villoria.
Agad na humingi ng tulong si Villoria para madala ang kaibigan sa sa ospital pero hindi na ito umabot ng buhay.
Labis naman ang pagkadismaya ng mga magulang ni Ubando sa nangyari.
Ayon sa pulisya, walang harang ang court kung saan itinatayo ang ring. Nakita rin na tanging bato lang ang ginawang pabigat sa poste kaya madali itong bumigay.
Napag-alaman na proyekto ng barangay ang nasabing basketball court.
Sinusubukan pa ng GMA-Illocos na makunan ng pahayag ang mga opisyal ng barangay. -- FRJ, GMA News