ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ilang kongresista, naalarma sa kriminalidad sa bansa; Roxas at PNP chief, ipatatawag


Isang resolusyon ang inihain ng independent minority bloc sa Kamara de Representantes na naglalayong alamin ang tunay na sitwasyon ng peace and order sa Pilipinas sanhi ng pinaniniwalaang paglala ng kriminalidad.

Sa House Resolution (HR) No. 843, nais ng grupo ng minorya na ipatawag sa pagdinig ng Kamara sina Interior and Local Government Sec. Mar Roxas at Philippine National Police (PNP) chief Director General Alan Purisima.

"Whereas, the country's crime rate for 2013 have surged to 1,033,833 as reported by Chief Superintendent Ricardo Marquez, acting PNP operations director, along with Senior Superintendent Valeriano de Leon and Senior Superintendent Benigno Durana, during a press briefing last Jan. 28, 2014," nakasaad sa inihaing resolusyon ng grupo ng mga kongresista.

Anila, ang naitalang crime volume noong 2013 ay ay halos limang ulit na mas mataas sa naitalang krimen na iniulat ng PNP sa Senado na naging basehan ng criminality summary ng nabanggit na kapulungan na nagpapakita na bumababa ang crime rates mula noong 2002 hanggang 2007.

"Whereas, data from the PNP's Directorate for Investigation and Detective Management showed a 26% increase in child rape victims from 2012 to 2013 with 3,355 children raped in 2012 and 4,234 in 2013," nakasaad sa resoluyon.

Idinagdag pa na, "Whereas, the alarming upsurge of such crimes, which has resulted in the loss of human lives and also affected the country's determinations to sustain our economic growth and development while at the same time has undermined the people's trust in the government."

Ang nabanggit na resolusyon ay inihain nina Reps. Ferdinand Martin Romualdez (Leyte), Lito Atienza Jr. (Buhay), Jonathan dela Cruz (Abakada), Victor Ortega (La Union), Philip Pichay (Surigao del Sur), Lani Mercado-Revilla (Cavite), Aleta Suarez (Quezon), Toby Tiangco (Navotas), Diosdado Arroyo (Camarines Sur), at dating Pangulo at ngayo'y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.



2 pasahero ng taxi, binaril ng riding-in-tandem

Kaugnay nito, dalawang pasahero ng taxi ang pinagbabaril ng mga suspek na nakasakay sa isang motorsiklo sa Elliptical Road sa Quezon City, nitong Martes ng tanghali.

Nabasag ang salamin ng bintana ng taxi dahil sa mga tama ng bala na pumatay sa dalawang hindi pa nakikilalang biktima na isang lalaki at isang babae.

Ayon sa nakaligtas na drayber ng taxi, sumakay sa kaniya ang dalawang biktima kasama ang isa pang babae sa Quezon City Hall of Justice.

Ngunit bumaba umano ang isang babae sa Kalayaan Avenue at nagpahatid naman ang naiwang dalawang biktima patungong Monumento.

Pagdating sa Elliptical Road, doon na sila tinapatan ng mga suspek na sakay ng motorsiklo at pinuntirya ang dalawang biktima.

Inaalam pa ng mga imbestigador kung ano ang pakay ng dalawa sa QC Hall of Justice o kung may dinaluhang pagdinig sa korte ang mga ito na posibleng may kaugnay sa nangyaring krimen.

Nahihirapan umano ang pulisya na makilala ang mga biktima dahil wala silang wallet, identification card, o kahit cell phone. -- RP/FRJ, GMA News

Tags: crimes, rpcrimes