ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lalaking makuryente sa poste, natuhog sa binagsakang bakod


Kalunos-lunos ang sinapit ng isang lalaki na matapos makuryente sa inakyat na poste sa Taguig City ay mahulog at natuhog ang katawan sa binagsakang bakod na gawa sa bakal.

Sa ulat ni Dante Perello sa GMA News TV's QRT nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Ferdinand Calica, na inabot umano ng tatlong oras bago naalis sa pagkakatuhog at kalaunan ay pumanaw sa ospital.

Sinabing naganap ang insidente dakong 2:00 a.m. nitong Miyerkules sa C-5 Road sa barangay Pinagsama, Taguig City.



Ayon sa mga residente, biglang nawalan ng kuryente sa paligid matapos magkaroon ng isang pagsabog na sinundan ng pagsiklab.

Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang isang plais at putol na kable ng kuryente.

Naging pahirapan ang pagsagip sa lalaki dahil hindi kasi basta magalaw ang biktima na humihiyaw sa sakit matapos tumusok at maglagos sa kanyang dibdib ang dalawang bakal mula sa kanyang likuran.

Inabot umano ng halos tatlong oras bago naialis ang biktima sa lugar na kasama ang tumusok na bakal sa kaniyang katawan na ginamitan ng hydraulic spreader cutter.

Nagtamo rin siya ng ilang sunog sa kamay at paa.

Isinugod si Calica sa St. Lukes Medical Center sa Bonifacio Global City sa Taguig pero binawian siya ng buhay makalipas lang ang ilang sandali. -- FRJ, GMA News