ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Makaiinsultong salita tulad ng bobo, pwede raw ikakulong ng netizen sa ilalim ng online libel


Kasunod ng pagdeklara ng Korte Suprema na legal ang online libel sa cybercrime law, higit na dapat pairalin ang payo na, "think before you click."  Ayon sa isang abogado, dapat maging maingat ang netizens sa mga salitang ilalagay sa post sa internet para hindi masampahan ng kaso.

Basahin: Ang ‘Think Before You Click’ campaign ng GMA Network

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA news "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ni Atty. Rowena Daroy-Morales, director ng University of the Philippines (UP) Office of Legal Aid, dapat iwasan ng netizens o ng mga mahilig maglagay ng mensahe sa internet ang paggamit ng salita na maaaring makayurak sa pagkatao ng iba na puwedeng magamit na basehan para sila masampahan ng libelo.

Dahil sa naging desisyon ng SC, sinabi ng National Union of Journalists of the Philippines  (NUJP), na takot raw ang namamayani ngayon sa social media at marami na umanong pwedeng mabiktima ang mga kriminal at mapang-abuso dahil sa online libel.

Kumpara sa kasong libelo sa ilalim ng Revised Penal Code, inaprubahan ng SC ang mas mabigat na parusa sa online libel.



Sa libel case sa Revised Penal Code, ang kaparusahan na pagkakakulong ay aabot lang sa anim na taon, kumpara sa hanggang 12 taon sa online libel case.

Tila nagluluksa raw ang Facebook page ng ilang netizens na ginawang itim ang kanilang profile at cover photos bunga ng naging desisyon ng SC.

Ang grupong Bayan, isa sa mga petitioner laban sa nabanggit na batas, maghahain ng motion for reconsideration sa SC laban sa naging pasya sa legalidad ng online libel.

"Yan po ay isang malaking setback, isang malaking pag atras sa freedom of expression at banta hindi lang sa media kundi sa lahat ng tao na nagpapahayag using the internet," paliwanag ni Renato Reyes, Sec.Gen, Bayan.

Sa desisyon ng SC, maaaring kasuhan ng libelo ang orihinal na may akda ng post o artikulo sa internet na maituturing na mapanira.

Pero hindi naman makakasuhan ang nag-share, nag-like, nag-reply o nag-retweet sa post o artikulo na magiging dahilan ng kaso.

Ngunit pangamba ni Atty. JJ Disini,  isa rin sa mga nagpetisyon laban sa cybercrime law, magkakaproblema halimbawa kapag dinagdagan ng ibang detalye ang nire-tweet na post.

Sinabi sa ulat, hindi lang mga blogger at ibang netizens ang apektado kung hindi maging media na may mga news website.

Ayon sa Center for Media Freedom and Responsibility o CMFR, ang kasong libelo umano ang isa sa pinaka-naaabusong paraan sa pagkitil sa malayang pamamahayag sa bansa.

Marami na raw pagkakataon na napatahimik ang pambabatikos ng media sa mga opisyal ng gobyerno dahil sa takot ng pagkakakulong.

Pero para kay Prof. Daroy-Morales, hindi dapat mangamba ang walang ginagawang masama sa pagpopost sa internet.

Kailangan lang daw na maging maingat sa mga isusulat sa internet -- hindi lang sa mga nasa gobyerno -- kundi maging sa mga ordinaryong tao.

Halimbawa niya na posibleng sumabit sa libelo ang pagsusulat ng, "'hmm, mahilig mambabae 'yan." 

Paliwanag pa ni Daroy-Morales, "E may asawa yung iyong tinutukoy, e di nag-a-accuse ka na... na ano? na may concubine siya, nangangaliwa siya,  that's an imputation."

Kahit daw ang paggamit ng salitang bobo ay puwedeng ikakulong ng isang tao dahil nakakayurak ito ng pagkatao.

"Nakaka-degrade ng katauhan ng isang tao 'yan," patungkol niya sa salitang bobo.

Nang tanungin kung libelous ito, tugon ng abogado, "Yes, because  you are imputing dishonor."

Ilang panukalang batas na ang nakahain sa Kongreso para ideklarang hindi na krimen ang libelo. Pero hangga't di pa naipapasa ang batas at hindi binabago ng SC ang kanilang pasya, mananatili ang online libel pati na ang mas mabigat na parusa para dito. -- FRJ, GMA News