Exotic na mga hayop, nasabat sa Surigao — DENR
Nasa 100 exotic na mga hayop at ibon, kabilang na ang cockatoos, echidnas at wallabies na iligal na ipinasok sa bansa para ibenta sa mayayamang kolektor, ang nakumpiska ng wildlife officers.
Ang mga hayop na inilagay sa maliliit na container at ibinyahe sa van ay kinabibilangan ng exotic species galing pa sa Australia, Indonesia at Papua New Guinea, ayon kay Eric Gallego, tagapagsalita ng lokal na opisina ng Department of Environment and Natural Resources.
Kabilang pa sa nakumpiska ay ang yellow-crested cockatoos at long-beaked echidnas, dalawang species na tinagurian nang "critically endangered" ng International Union for the Conservation of Nature.
Kabilang pa ang wallabies mula Australia at 90 exotic parrots mula Indonesia, ayon kay Gallego.
Ilan daw sa mga ibon at iba pang hayop ang natagpuan nang patay dahil di na marahil nila kinaya ang kondisyon habang ibinibyahe, ayon sa ulat Agence France-Presse.
Sa tulong ng isang tip, pinigil ng mga awtoridad ang isang van na may dalawang sakay sa Surigao nitong Sabado, bago pa ang van maisakay sa isang barko patungong norte.
Ang mga ibon ay pinaniniwalaang ibinyahe mula Indonesia patungong Malaysia at patungong Mindanao kung saan sila dadalhin naman patungong Maynila, ayon kay Gallego.
"There must have been an order from a rich person in Manila for the animals as collector's items. It must be someone who is into rare animal [business]," ayon sa AFP.
Ayon sa pinuno ng wildlife division ng pamahalaan na si Josefina de Leon, isang sindikato ang kilalang iligal na nag-aangkat ng mga exotic na hayop mula Malaysia patungong Maynila.
Ang dalawang nahuling may dala ng mga exotic animals ay kakasuhan ng iligal na pagbabiyahe ng wildlife, isang krimen na may katumbas na parusang anim na buwan na pagkakakulong at P50,000 ($1,120) multa depende sa kung gaano ka-rare ang mga hayop. — JGV /LBG, GMA News