ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ilang gov't officials, hindi sumipot sa pagdinig ng Kamara tungkol sa umano'y MRT-3 extortion


Nadiskaril ang pagdinig ng isang komite sa Kamara de Representantes tungkol sa alegasyon ng pangingikil sa planong pagbili ng mga bagong bagon para sa MRT-3 matapos na hindi sumipot ang mga inimbitahang opisyal ng pamahalaan nitong Martes.

Una rito, nagtalo ang ilang kongresista kung dapat pang ituloy ng House committee on good government and public accountability, ang imbestigasyon sa umano'y pangingikil ng ilang opisyal ng pamahalaan sa Czech company na sumali sa bidding, o hayaan na lamang ang Department of Justice (DOJ) na alamin ang katotohanan sa likod ng alegasyon.

Kung si 1-BAP party-list Rep. Silvestre Bello III ang masusunod, nais niyang ipaubaya na lamang sa DOJ ang imbestigasyon at hindi na dapat makialam ang komite para hindi maantala umano ang paglabas ng resulta ng gagawing pagsisiyasat ng DOJ.



"We must not lose track on our duty that justice is done without delay. Na de-delay ang mga kaso dahil sa imbestigasyon natin. Maraming magnanakaw ang nakakalusot kasi sa delay sa disposition ng cases and we should not be a party to that," paliwanag ni Bello, dating naging kalihim ng DOJ.
 
Bagaman kinikilala umano ni Bello ang kapangyarihan ng komite na magsiyasat para sa paggawa ng batas, hindi umano dapat abusuhin ang naturang kapangyarihan ng kapulungan.

Ngunit para kay Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares, hindi katanggap-tanggap ang mungkahi ni Bello, bagaman kapwa sila nakalinya sa panig ng minorya sa Kamara.

"For Congress not to investigate is not acceptable to us. Whatever the DoJ recommends, trabaho nating tingnan ang mga batas," giit ni Colmenares, isa sa tatlong kongresista na naghain ng resolusyon na imbestigahan ang umano'y pangingikil na nangyari sa bidding ng MRT-3.

Base sa mga lumabas na ulat, inakusahan ni Czech Republic Ambassador to the Philippines Josef Rychtar, na ilang opisyal ng Department of Transportation and Communications at pamunuan ng MRT ang nagtangkang mangikil ng $30 milyon sa Czech-based Inekon Group kapalit ng pagkapanalo sa kontrata para sa mga bagong tren ng MRT.

Nadawit din ang pangalan ng kaanak ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III sa naturang iskandalo.

Pero sa isang sulat na ipinadala sa komite ni Rychatar na may petsang December 9, 2013, nilinaw nito na walang kamag-anak si Aquino na sangkot sa kontrobersiya.
 
Napag-alaman din sa pagdinig na nagpadala umano ng reklamo si Rychatar sa National Bureau of Investigation (NBI) pero wala raw itong pirma ng dayuhang opisyal.

Sa mosyon naman ni Leyte Rep. Andres Salvacion, hiniling nito na imbitahan at ipatawag muli ng komite ang mga opisyal na hindi sumipot sa pagdinig.

Kabilang sa muling ipatatawag sa susunod na pagdinig ay sina Rychtar, Transportation Sec. Joseph Emilio Aguinaldo Abaya Jr.; Metro Rail Transit (MRT) 3 General Manager Atty. Al Vitangcol; at MRT Corporation chairman Thomas de Leon.

Pinuna rin ni Salvacion na tila mas nirerespeto ng mga ipinapatawag na personalidad ang pagdinig ng Senado dahil sa magiging mahigpit nila sa pagpapataw ng parusa sa mga hindi dumadalo sa kanilang imbitasyon. -- RP/FRJ, GMA News