Sakit sa balat ng babae sa Pangasinan, 'di ketong, ayon sa dermatologist
Inihayag ng isang dermatologist na sumuri sa sakit sa balat ng isang babae sa Pangasinan na hindi ketong ang problema ng pasyente, taliwas sa naging pahayag ng isang opisyal ng Provincial Health Office.
“Hindi totoo 'yon... may ginawa ba silang test para malaman nilang leprosy? Kasi ako dalawang test ang ginawa ko diyan,” paliwanag ni dermatologist Dr. Grace Beltran sa panayam ng GMA's “Balita Pilipinas” nitong Martes.
Una rito, kumalat sa social media na isang misteryosong flesh-eating disease ang tumama sa isang babae at isang lalaki sa Pangasinan.
Sa pulong balitaan nitong Martes, pinabulaanan ni provincial health officer Dr. Maria Anna Theresa de Guzman, ang naturang kumalat sa social media.
Sa hiwalay na ulat sa GMA News TV's "News TV Live", sinabi de Guzman na leprosy o ketong ang naging problema ng babae, habang mayroong naman psoriasis at psoriatic arthritis ang lalaki.
Nagkaroon daw ng side effect ang pag-inom ng babae sa gamot kaya bumalik ang ketong nito.
Basahin: Ketong at hindi flesh-eating disease ang 'misteryosong' sakit sa balat ng babae sa Pangasinan
Ngunit paliwanag ni Beltran, batay sa isinagawa niyang biopsy test sa babae, lumitaw na mayroong itong auto-immune disease na kung tawagin ay pyoderma gangrenosum.
“It is not a nakakatakot na sakit in the sense na nakakahawa or dapat magpanic ang mga tao... 'Yan ay isang rare skin problem na bihirang-bihira nating makita at medyo mahirap gamutin pero nagagamot naman,” ayon kay Beltran.
Idinagdag ni Beltran na hindi reaksiyon sa gamot ang dahilan ng pagkakasakit nito sa balat.
“Akala nila in reaction. Kasi there's such a thing na leprosy in reaction. So pinatuloy pa rin [nila yung treatment kaya] lalo siyang grumabe [grabe] hanggat 'di na siya makatayo, hindi na siya makabangon,” aniya.
Ayon kay Beltran, walong buwan niyang ginamot ang babae at bumuti naman daw ang kalagayan nito dahil nakalakad.
“Merong treatment pero kailangan din nating hanapin yung trigger kasi kung minsan nga may internal problems na related doon sa sakit sa balat. Kung magagamot natin yung internal problem baka masolve natin yung problem niya sa balat,” paliwanag ni Beltran. — FRJ, GMA News