ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

P2M halaga ng alahas, natangay mula sa isang jewelry store sa QC


Isa na namang grupo ng mga magnanakaw ang nambiktima ng isang jewelry store gamit ang kanilang mga martilyo at nakatangay ng P2 milyong halaga ng mga alahas.

Nangyari ang insidente sa isang jewelry store sa May Cubao, Quezon City, noong Martes.

Ayon sa ulat sa "Saksi," umatake ang mga suspek sa First Allied Emporium Jewelry, Inc. sa Farmer's Plaza Mall pagkabukas na pagkabukas ng tindahan bandang alas-10 ng umaga.

Binasag ng mga suspek ang display cases gamit ang mga martilyo at tinangay nila ang nasa P2,000,000 halaga ng alahas.

Pinaputukan naman ng mga guwardiya at pulis ang mga suspek ngunit nakatakas pa rin ang mga ito.

Ayon kay Police Senior Superintendent Procopio Lipana, iniisa-isa na nila ang mga ospital matapos makita ng isang saksi na tinamaan umano ang isa sa mga suspek.

Nagkaroon na kamakailan ng ilang pagnanakaw sa jewelry stores gamit ang mga martilyo, ang isa nga ay nangyari noong Disyembre 2013 kung saan mismong si Pangulong Benigno Aquino III pa at Interior Secretary Manuel Roxas II ang pumunta sa lugar ng pinangyarihan. — JGV /LBG, GMA News