Panibagong grupo ng ipinupuslit na exotic na mga hayop, nasabat sa Mindanao
Panibagong bulto na naman ng mga exotic na hayop ang nakumpiska ng mga awtoridad sa Mindanao noong Martes nang tangkain ng isang grupo na ipuslit ang mga ito.
Ito na ang pangalawang beses na nasabat ng mga awtoridad ang ipinupuslit na exotic animals sa loob lamang ng dalawang linggo.
Ilan sa mga nakumpiska nila ay 66 wild birds, kabilang ang rare na Pesquet's parrot, pati na ang iba't ibang uri ng reptile at mammals tulad ng long-beaked echidna, isang Malayan box turtle, at 10 sugar gliders – na parang squirrel na lumilipat-lipat sa puno.
Nasa 93 ang kabuuang bilang ng hayop na mula sa Indonesia at Australia ang nakumpiska ng maritime police sa karagatan ng Mindanao noong Sabado, kabilang dito ang vulnerable at critically endangered na mga hayop, ayon kay Ali Hadjinasser, na siyang regional chief ng government wildlife board.
Limang Pilipino ang naaresto dahil sa insidente at sila ay kakasuhan ng illegal possession and trasnport ng naturang species, ayon sa ulat ng Agnence France-Presse.
Ayon kay Josefina de Leon, ang pinuno ng wildlife division ng pamahalaan, isa raw magandang senyales na umaayos na ang training ng wildlife authorities dahil sa magkakasunod na huli.
"Enforcement is better because there are concerned citizens who are now assisting us in catching the perpetrators," sabi niya.
Kamakailan lamang, nakahuli rin ang mga awtoridad ng cockatoos, echidnas at wallabies na iligal na ipinasok sa bansa para ibenta sa mayayaman na kolektor.
Ang mga hayop na nakakulong sa maliliit na container at ibinyahe sa van ay kinabibilangan ng mga galing pa sa Australia, Indonesia at Papua New Guinea, ayon kay Eric Gallego, tagapagsalita ng lokal na tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources.
Kabilang pa sa nakumpiska ay ang yellow-crested cockatoos at long-beaked echidnas, dalawang species na kinukunsidera nang "critically endangered" ng International Union for the Conservation of Nature.
Kabilang pa ang wallabies mula Australia at 90 exotic parrots mula Indonesia, ayon kay Gallego.
Ilan daw sa mga ibon at iba pang hayop ay patay na ng masabat ang kontrabando, dahil 'di na marahil nila kinaya ang kondisyon habang ibinibyahe sila, ayon sa ulat ng AFP. — JGV /LBG, GMA News