ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Erap sa pagkalugi bunsod ng truck holiday: Sinong may kasalanan no'n?
Iginiit ni Manila Mayor Joseph Estrada nitong Miyerkules na patuloy ang pagpapatupad ng daytime truck ban sa kabila ng naiulat na pagkalugi ng ilang mga kumpanya dahil sa "truck holiday" na isinagawa ng isang grupo bilang pagprotesta.
"Sinong may kasalanan no'n?" ani Estrada sa panayam ng News To Go ng GMA News TV. "Sila tumawag ng truck holiday e. Kasalanan nila kung nalugi sila."
Ayon kay Estrada, bago pa man maaprubahan ang ordinansa ay dumaan ito sa ilang konsultasyon.
"Maraming public hearing iyan. Nagkaroon pa kami ng truck summit before we approved that... bago isabatas," ani Estrada.
Ayon sa kanya, nakipagkompromiso rin sila sa pagkakaroon ng "window period" kung saan maaaring dumaan ang mga trak sa Maynila sa mga oras na 10:30 a.m. hanggang 3 p.m.
Sa panayam ng GMA News Online, inihayag ni Annie Tubera, media officer ni Manila Vice Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso, na ang window period ay ipatutupad tuwing Lunes hanggang Sabado.
Base sa orihinal na polisiya ng lungsod, ang mga trak na mula sa 5,000 freight forwarders na pinagmamay-ari ng Integrated North Harbor Truckers Association (INHTA) ay ipinagbabawal sa mga kalsada ng Maynila mula 5 ng umaga hanggang 9 ng gabi, tuwing Lunes hanggang Sabado.
"Nakipagkompromiso na kami, hindi pa rin tinanggap at nag-declare pa sila ng truck holiday. Hindi na namin kasalanan 'yon," ani Estrada.
Gayunpaman, sinabi ni Teddy Gervacio, pangulo ng INHTA, noong Sabado na ipagpapatuloy pa rin nila ang truck holiday sa kabila ng pagbabago sa patakaran.
“‘Yung pagkakaroon ng window hours, hindi acceptable sa amin ‘yan. Ang gusto naming mangyari ay ma-suspend ang implementation nitong truck ban,” ani Gervacio sa panayam na umere sa News TV Live noong Linggo ng umaga.
Ayon sa naunang ulat ng 24 Oras ng GMA News nitong Martes, umaabot sa P215.8 milyon ang ikinalugi ng Bureau of Customs sa unang araw ng truck holiday.
"Naghahanda kami para as soon as matapos ito, ready kami to open longer hours hanggang ma-clear ang lahat ng backlog," ani Bureau Commissioner John Philip Sevilla sa parehong ulat.
Samantala, mula sa halos P360-milyon na kita bawat araw, P262.8 milyon lamang, o 27-porsyentong pagbaba, ang kinita ng Manila International Container Port. Samantala, bumaba naman ang kita ng Port of Manila ng 47 porsyento, mula P134.4 milyon mula sa P253 milyon bawat araw.
Samantala, iminungkahi ni Estrada ang paggamit ng Batangas at Subic ports upang mabawasan ang mabigat na trapiko sa Maynila.
"Ang laki ng ginastos doon, bakit hindi na lang doon ilipat? Ang congested na sa Manila," dagdag niya. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News
More Videos
Most Popular