Babaeng sinapian daw ng masamang espiritu, nagwala; mata ng matanda, dinukot
Isang 70-anyos ang babae ang nabulag nang dukutin ng kaniyang 35-anyos na anak-anakan ang kaniyang mga mata matapos na magwala sa Urbiztondo, Pangasinan. Hinala ng mister ng babaeng suspek, sinapian ng demonyo ang kaniyang misis.
Sa ulat ni Alfie Tulagan sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Miyerkules, sinabing nagpapagaling na sa ospital ang biktima.
Kuwento ng biktima, tinawag siya ng suspek para magdasal. Pero hindi na nila natapos ang pagdarasal dahil nagwala na ito.
Kinagat-kagat daw siya ng suspek at sinundot ang kaniyang mga mata.
Ayon sa pulisya, binasag daw ng suspek ang baso na ginamit sa pag-alis sa mga mata ng biktima.
Ilang araw na rin daw may nakapansin na tila wala sa katinuan ang suspek na nakakulong ngayon sa presinto.
Inamin naman umano ng suspek ang nagawang krimen at sinabing hindi nito makontrol ang sarili.
Ayon sa mister ng suspek, ilang araw nang nag-oorasyon ang kaniyang misis na isa ring "manggagamot" sa kanilang lugar.
Hinihinala niya na sinapian ng masamang espiritu ang kaniyang misis.
"Parang hindi na niya makontrol yung sumaping demonyo," anang mister.
Ayon sa pulisya, kailangang isailalim sa pagsusuri ang biktima para malaman kung may sakit nga ito sa pag-iisip. -- FRJ, GMA News