Grade 6 pupil na biktima umano ng bullying, nabalian ng tadyang matapos suntukin ng kaklase
Nagpapagaling ngayon sa ospital sa Camarines Sur ang isang grade six pupil matapos mabalian ng tadyang nang suntukin umano ng kaklase na dati na raw nambu-bully sa biktima.
Basahin: Batas laban sa bullying, pinirmahan na ni Aquino
Sa ulat ni Charissa Pagtalunan ng GMA-Bicol sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Huwebes, sinabing naganap ang insidente ng pananakit sa biktima noong nagdaang Pebrero 13, sa La Opinion Elementary School sa Nabuan, Camarines Sur.
Kuwento ng nakaratay na biktima, nasa klase sila ng physical education nang suntukin siya nang malakas ng kaniyang kaklase.
Ang naturang insidente ay nasaksihan mismo ng iba pa nilang kamag-aral.
Kaagad daw nagsagawa ng imbestigasyon ang pamunuan ng paaralan sa nangyaring insidente at hindi naman daw nagpabaya ang nakatalagang guro nang mangyari ang insidente.
Gayunman, lumitaw na hindi iyon ang unang pagkakataon na ginawa ng inirereklamong estudyante ang pambubully sa biktima.
Problema naman ng magulang ng biktima ang pagkukunan ng pera para sa gastusin sa pagpapagamot sa bata.
Nagbabala ang ama ng biktima na magsasampa sila ng kaso laban sa paaralan kapag hindi sila tinulungan sa mga bayarin sa ospital.
Ayon sa punongguro ng paaralan, nag-alok sila ng tulong sa magulang ng biktima pero tinanggihan daw ito. Maging ang pamilya ng suspek ay nag-alok din daw ng tulong pinansiyal pero hanggang P10,000 lang. -- FRJ, GMA News