Judge sa Zamboanga City, patay sa pamamaril ng riding-in-tandem
Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang hukom matapos siyang pagbabarilin ng mga suspek na nakasakay sa motorsiklo sa Zamboanga City.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Biyernes, kinilala ang biktimang si Judge Reynerio Estacio, ng Zamboanga City Regional Trial Court Branch 14.
Nagmamaneho umano ng kaniyang sasakyan ang biktima patungong justice hall nang tambangan ng dalawang suspek.
Isang tricycle driver ang nagdala umano kay Estacio sa ospital pero hindi na siya umabot nang buhay.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya tungkol sa nasabing krimen.
"'Di kayang protektahan"
Kaugnay nito, nanawagan naman sa mga awtoridad si Chief Justice Maria Lourdes Sereno, na lutasin ang pagpatay kay Estacio.
Aminado ang punong mahistrado na kulang kanilang kakayahan na protektahan ang kanilang mga miyembro sa hudikatura laban sa mga kriminal.
"Unfortunately, the judiciary has no resources to combat such lawless violence on our own and we have to rely on the efforts of the law enforcement officers to investigate and bring justice to those who killed Judge Estacio," ani Sereno na mariing kinondena ang pamamaril sa hukom.
"I am asking the law enforcement offices to act swiftly in getting to the bottom of this incident and to hold the person or persons accountable for this criminal act," dagdag pa niya.
Inatasan na rin umano ni Sereno ang executive judge ng Zamboanga na bigyan siya ng paunang ulat sa nangyaring krimen at makipagtulungan ito sa pulisya para sa ikalulutas ng kaso ng pinaslang na hukom.
"In order that judges may continue to be fearless and undaunted in discharging their duties of fairly, impartially and swiftly dispensing justice, they must be insulated from the violence that comes from the clash of arms," pahayag ni Sereno.
Nitong Huwebes, nasugatan sa leeg si Deputy Assistant State Prosecutor Richard Fadullon, nang sunggaban siya sa leeg ng nakaposas na convicted kidnapper sa loob ng Quezon City court room. -- FRJ, GMA News