ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Grade 2 pupil sa Bataan na nabagok ang ulo nang bumitiw umano sa sinabitang van, pumanaw na


Hindi naisalba ng operasyon ang buhay ng grade 2 pupil na nabagok ang ulo sa kalsada nang matumba ito nang bumitiw sa sinabitang delivery van  sa Balanga City, Bataan noong Lunes.

Dalawang beses inoperahan sa ulo ngunit binawian din ng buhay nitong Biyernes si Pier Ezekiel Valera, habang nakaratay sa James Gordon Memorial Hospital sa Olongapo City.

Pauwi na mula sa klase noong Lunes ng hapon si Valera nang sumabit umano ito sa isang delivery van at bumitiw pagdating ng sasakyan sa road hump sa Sitio Nagakawayan, barangay Upper Tuyo sa Balanga City.

Ayon sa isang saksi na si Jocelyn Gaspar, mabagal na ang takbo ng van nang bumitiw ang bata pero tila nawalan ng balanse kaya natumba at tumama ang ulo sa semento.

Wala naman umanong dugo sa ulo ng bata at nakapaglakad pa at nakauwi sa kanilang bahay.

Pahayag naman ng isa pang saksi na si Mayet Hernandez, nakita niya buhat sa malayo na sumabit ang bata sa likod ng van nang magmenor ang sasakyan sa isa ring road hump. Maaari rin umanong hindi napansin ng drayber ang pagsabit ng bata.

Pag-alaala naman ni Josabel Valera, 26-anyos, maalalahanin at puno ng pangarap para sa kanilang magulang ang bunso niyang kapatid na pumanaw.

Nginitian pa umano siya nito nang dumating noong Lunes sa bahay na parang walang dinadamdam.  Pero nang biglang sumuka, isinugod nila ang kapatid sa Bataan Doctors’ Hospital sa Balanga City.

Tinapat umano sila ng doktor na maselan ang kalagayan ng bata at kailangan ang operasyon kaya inilipat nila sa ospital sa Olongapo City kung saan na pumanaw ang bata. -- Ernie Esconde/FRJ, GMA News