ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Papaano nabuo ang mga rehiyon sa Pilipinas?


Sa ngayon, ang Pilipinas ay binubuo ng 17 rehiyon. Pero alam niyo ba kung ilan ang orihinal na bilang ng mga rehiyon sa bansa at kailan ito sinimulang buuin?

Sa ilalim ng liderato ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1972 sinimulang tukuyin ang mga lalawigan na mapapaloob sa mga bubuuing rehiyon.

Sa pamamagitan ng ipinalabas na Presidential Degree No.1 ni Marcos noong Septyembre 1972, itinatag ang 11 rehiyon bilang bahagi ng isinulong nitong Integral Reorganization Plan ng kaniyang pamahalaan.

Pagkalipas ng mga taon, anim na rehiyon pa ang nabuo kabilang na ang Metropolitan Manila o National Capitol Region noong 1975 sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 824.

Noong May 2002, nagpalabas ng Executive Order No. 103, ang liderato ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para biyakin ang Region IV at buuin ang Region IV-A at Region IV-B.

Nakapailalim sa Region IV-A (Calabarzon) ang mga lalawigan ng Batangas, Cavite, Laguna,
Quezon, at Rizal. Habang nasa Region IV-B (Mimaropa) ang mga lalawigan ng Marinduque, Mindoro Occidental, Mindoro Oriental, Palawan at Romblon.

Narito ang listahan ng mga rehiyon ng bansa: National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR), Region I (Ilocos Region), Region II (Cagayan Valley), Region III (Central Luzon), Region IV-A (CALABARZON), Region IV-B (MIMAROPA), Region V (Bicol Region), Region VI (Western Visayas), Region VII (Central Visayas), Region VIII (Eastern Visayas), Region IX (Zamboanga Peninsula), Region X (Northern Mindanao), Region XI (Davao Region), Region XII (Soccsksargen), Region XIII (Caraga), Autonomous Region in Muslim (ARMM). -- FRJ, GMA News

Tags: pinoytrivia