De Lima kay Baligod: Walang kumokontrol kay Luy
Itinanggi ni Justice Secretary Leila De Lima nitong Miyerkules ang inihayag ng abugadong si Levito Baligod na mayroon umanong ibang nagkumbinse kay pork barrel scam whistleblower Benhur Luy na alisin siya bilang kanyang counsel.
“Wala akong alam tungkol diyan and I dont think that's possible,” ani De Lima sa panayam na umere sa Unang Hirit. Dagdag niya, nananatiling nasa ilalim ng kustodiya ng Witness Protection Program si Luy.
"Kami ang custodian ngayon ni Benhur sa WPP at istrikto naman po ako sa pagpapa-access sa kanya,” aniya.
“Siguro naman kung may ganun na sitwasyon ay natunugan na namin ''yan. So hindi ko alam kung ano ang sinasabi ni Levi,” dagdag niya.
Noong Lunes, pumirma si Luy ng isang liham na nagpuputol sa kanyang ugnayan kay Baligod dahil umano sa pagiging abala nito sa iba niyang mga adhikain.
Dagdag ni De Lima, wala siyang kaalaman sa alegasyon ni Luy na pinigilan umano siya ni Baligod na idiin si Sandiganbayan Associate Justice Gregory Ong sa pork barrel scam na kaso.
Sa naunang panayam, sinabi ni Baligod na pinayuhan niya si Luy na huwag magsalita ng mga hindi niya masusuportahan ng ebidensya.
Ayon kay De Lima, sang-ayon siya kay Baligod na pawang katotohanan lamang dapat ihahayag ng mga testigo.
“Ganun naman talaga palagi dapat. Klarado naman po yan. Lagi ko namang sinasabi 'yan hindi lang kay Benhur kundi sa iba pang whislteblowers, including dun sa bago namin na state witness. All we are after here is the katotohanan. Katotohanan lang ang sasabihin nyo, 'wag nyong sinosobrahan, 'wag kulang,” aniya.
Ayon kay De Lima, maingat ang National Bureau of Investigation sa mga inihahayag ng mga testigo upang mapigilan ang pagkakaroon ng problema sa trail proper.
Dagdag niya, sinubukan nilang ayusin ang alitan sa pagitan ni Luy at Baligod.
“A few weeks ago, nakakarating na sa akin na may hidwaan na yung attorney and client so nagtanong ako sa NBI. Ang sabi, 'Ma'am, medyo nagtatampo na po si Benhur na nakukulangan ng oras sa kanya si Atty. Levi.' Akala ko naman yung mga ganung bagay pwedeng mapag-usapan o ma-patch up pa pero humantong sa ganito,” aniya.
Ayon kay De Lima, ikinalulungkot niya ang paghihiwalay ng "original team" ngunit wala na umano siyang magagawa sapagkat hindi siya maaaring pumili ng abugado para sa isang tao. Dagdag niya ang relasyon ng kliyente at abugado ay sensitibo sapagkat kinakailangan nito ng pagtitiwala.
“Ito yung tinatawag na original team dapat. Si Levi ang dumulog sa akin nung ipapa-rescue si Benhur. Dati ko na siyang kilala kaya nung nagpapatulong para kay Benhur ay agad kong inasikaso kaya medyo malungkot din sa amin ito,” aniya.
Ayon kay De Lima, kilala niya si Baligod mula pa noong election lawyer siya, at minsan nang nagkasama sa iisang kaso. — Amanda Fernandez/BM, GMA News