Anong trabaho ang maaaring aplayan ng mga magtatapos sa kolehiyo ngayong taon?
Sa pagtatapos ng mga mag-aaral sa kolehiyo ngayong taon, asahan na madadagdagan na naman ang labor force ng bansa at mga maghahanap ng trabaho upang hindi maging tambay. Pagtiyak ng Department of Labor and Employment, maraming trabaho na naghihintay sa mga bagong graduate.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA news "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing batay sa pag-aaral ng National Statistical Coordination Board o NSCB noong nakaraang taon, umabot sa 553,000 ang mga walang trabaho kahit pa nakapagtapos ng kolehiyo.
Pero ayon sa DOLE, maraming trabahong bakante lalo na sa mga magsisipagtapos ngunit marami ring dahilan kung bakit hindi ito mapunan.
Ayon kay Dir. Nicon Fameronag, spokesman ng DOLE, kabilang sa mga dahilang ito ay ang kakulangan ng karanasan at kuwalipikasyon ng aplikante na hinahanap ng employer.
Bukod dito, marami rin umano ang mas gustong magtrabaho sa labas ng bansa dahil sa kanilang paniwala na makakakuha sila ng mas malaking sweldo.
Hanggang taong 2020, ang magiging in-demand na industriya raw ay ang agribusiness, construction, information technology, education at mining.
Hindi rin daw magtatagal ay lalaki rin ang pasweldo sa mga blue collared jobs tulad ng welders, machine operators at clerk.
Nakalagay din sa tinatawag key employement generators ng DOLE hanggang 2020 ang health and wellness; hotel, restaurant & tourism; wholesale and retail trade; banking and finance; transport and logistics; manufacturing; ownership, dwellings and real estate; education; power and utilities.
"K12 [education program] is a major strategy. So, inia-align na natin yung curriculum ng mundo. Ang layunin talaga ng K12 pagka-graduate, job ready ka na kasi may skill ka na," paliwanag ni Fameronag.
Makabubuti raw na tumingin sa www.phil-job.net na siyang opisyal na job portal ng pamahalaan. Buwan-buwan, 100,000 job vacancies daw ang inilalagay dito. -- FRJimenez, GMA News