Kredibilidad ni Cunanan, ipinauubaya na sa DOJ
Tiniyak ng Senate blue ribbon committee na ipauubaya na nito sa Department of Justice ang kridibilidad ng bagong testigo mula sa gobyerno ukol sa umano'y multi-billion peso pork barrel scam na kinasasangkutan ng ilang senador.
Sa press briefing matapos ang pagdinig sa pork barrel scam, sinabi ni Sen. Teofisto Guingona, chairman ng komite, na bahala na ang DOJ na humusga sa kredibilidad ni Dennis Cunanan, director general (on-leave) ng Technology Resource Center, isang ahensiya ng Department of Science and Technology (DOST).
Reaksyon ito ng senador kasunod ng "inconsistency" ng naging pahayag ni Cunanan sa testimonya ni Benhur Luy, pangunahing whistleblower sa isyu.
Sa pagdinig, todo tanggi si Cunanan na nakinabang ito sa pork barrel ng mga senador.
Naging emosyunal ang TRC head na hindi siya tumanggap ng pera mula sa scam.
Bahagi lamang aniya ng kaniyang ministerial duty ang partisipasyon nito sa pagpirma sa disbursement vouchers at tseke.
Samantalang kinumpirma ni Luy na nakita niya itong nagbitbit ng paper bag na naglalaman ng halos isang milyong piso mula kay Janet Lim-Napoles nang magtungo sila sa tanggapan ng JLN Corporation sa Ortigas.
Nilinaw naman ni Sen. Miriam Santiago na hindi saklaw ng immunity from suit ang pagtupad ng ministerial duty.
Bahagi pa rin aniya ito nang pakikipagsabwatan para maisakatuparan ang multi-billion peso pork barrel scam.
Duda rin sa kridibilidad ni Cunanan sina senators Chiz Escudero at Grace Poe.
Kinuwestyon nito ang DOJ kung bakit tinanggap sa witness protection program ang TRC director sa harap ng pagpupumilit nitong wala siyang ginawang paglabag sa batas.
Nagpaabot naman ng katanungan si Sen. Revilla hindi man ito dumalo sa pagdinig.
Ani Guingona, pag-aaralan ng komite kung tatapusin na nila ang imbestigasyon sa PDAF scam isyu matapos ang siyam na pagdinig nito.
Nakabuo na rin aniya ang komite ng ilang legislative measures ukol sa paghigpit ng registrations at monitoring ng NGOs. — Linda Bohol /LBG, GMA News