Malunggay bilang pambansang gulay, inayunan ng mga kongresista
Inaprubahan ng 220 kongresista sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magdedeklara bilang opisyal na pambansang gulay ng Pilipinas ang malunggay, na may scientific name na 'moringa oliefera.'
Layunin ng House Bill (HB) No. 2072, na inihain ni Pangasinan Rep. Georgina de Venecia, na bigyan ng pagkilala ang nabanggit na gulay na tinatawag na "miracle vegetable o nature's medicine cabinet" ng mga dalubhasa at health care workers sa iba't ibang bahagi ng mundo.
Nakapaloob din sa panukalang batas na ideklarang 'National Malunggay Month' ang buwan ng Nobyembre para lalong mapalaganap ang pagbibigay kaalaman sa publiko tungkol sa mabuting dulot ng malunggay sa kalusugan ng mga tao.
"From the roots and branches to the leaves, flowers, fruit and seeds, all parts of the Malunggay tree are of nutritive and medicinal value," nakasaad sa panukalang batas.
Basahin: Easy-to-do malunggay recipes
Ayon kay de Venecia, nakasaad sa ulat ng Biotechnology Program Office ng Department of Agriculture, na natuklasan ng mga biochemists at molecular anthropologists, na ang malunggay ay mayaman sa vitamins C at A, iron, at may high density lipoprotein o good cholesterol.
Nakalulunas din umano ang malunggay para makaiwas sa ilang karamdaman tulad ng diabetes, hypertension, inflammations, infections, at cancer.
Ang dahon pa lang ng malunggay siksik na umano sa nutritional value: pitong beses na mas mataas sa vitamin C kaysa sa orange, apat na beses na mas puno ng calcium kaysa gatas, apat na beses ng vitamin A kaysa carrot, doble ang protina kaysa gatas at tatlong ulit ang dami ng potassium kaysa sa saging.
Dagdag pa ng kongresista, taglay daw ng malunggay ang mahigit na "90 nutrients and 46 types of antioxidants. It has 18 amino acids, plenty of omega 3 oils and chlorophyll, plus 45 compounds with antioxidant properties and 36 anti-inflammatory properties."
Kamakailan lang, isang panukalang batas din ang inihain sa Kamara na naglalayong ideklarang pambansang simbolo ang ilang bagay. Kabilang na rito ang paboritong ulam ng mga Pinoy na "adobo," bilang pambansang pagkain.
Sa naturang House Bill No. 3926 o “Philippine National Symbols Act of 2014, sinabi ng may akda nito na si Bohol Rep. Rene Relampagos, na marami sa mga kinikilalang pambasang simbolo ng bansa ay hindi suportado ng batas kaya maituturing "kolorum." -- RP/FRJ, GMA News